Pagkaraan ng 60 taon, bumalik sa Pilipinas mula sa Amerika ang isang lalaki na bigla na lang umalis noon ng bansa at iniwan nang walang paliwanag ang babae na pinaglalaanan niya ng anim na oras na biyahe para mabisita sa bahay. Ang tanong, magkaroon kaya ng second chance ang naudlot nilang pagmamahalan?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nabuo noong 1962 ang espesyal na pagtitinginan ng noo'y 17-anyos pa lang na si Ligaya Gamo-Pacanza, mula sa Santa Catalina, Negros Oriental, at ang American Boy na si Hermilano "Boy" Echavez.
Pinoy ang ama ni Boy, na nais na Pinay mula sa kanilang lalawigan ang mapangasawa ng kaniyang anak. Kaya naman umuwi ng Pilipinas ang binata at nag-aral sa Silliman University sa Dumaguete, kung saan nag-aaral din si Ligaya.
Sa kisig at ganda ng tindig ni Boy, hindi raw mahirap na mahulog ang loob ng mga dalaga sa binata. Pero ang nakatawag ng pansin kay Boy, ang simpleng dalaga na si Ligaya.
Tuwing walang pasok lalo na kung weekend, bumiyahe ng anim na oras si Boy papuntang Santa Catalina para bisitahin si Ligaya.
At kung nasa unibersidad naman, laging inaaya ni Boy si Ligaya na magmiryenda para magkakuwentuhan at makasama.
Ngunit nang lumalalim na ang pagtitinginan ng dalawa, bigla na lang naglaho na parang bula si Boy.
Bumalik na pala ng Amerika si Boy nang hindi man nagpaalam o nagsabi kay Ligaya. Dahil wala namang malinaw na "label" ang kanilang relasyon, inisip ni Ligaya na baka magkaibigan lang talaga sila.
Sa paglipas ng panahon, nakapagtapos ng pag-aaral si Ligaya, nakapag-asawa, at nagkaroon na ng mga anak at mga apo.
Pero nitong nakaraang taon, pumanaw na ang mister ni Ligaya. Si Boy naman, nauwi ang hiwalayan ang relasyon sa naging asawa niya.
Ayon kay Boy, hindi raw niya inilihim maging sa kaniyang naging asawa ang kuwento tungkol kay Ligaya.
At pagkaraan nga ng 60 na taon, bumalik ng Sta Catalina si Boy, at ang tangi niyang pakay, makitang muli si Ligaya.
Dahil biyuda na si Ligaya at hiwalay naman si Boy, magkaroon kaya ng second chance ang kanilang pagmamahalan?
At dahil hindi naging malinaw ang estado ng relasyon nila noon, sa pagkakataong ito, nais ni Boy na maging malinaw ang lahat sa kanila ng nasorpresang si Ligaya bago siya bumalik sa Amerika.
Ano kaya ang magiging sagot ni Ligaya? Panoorin ang nakakikilig nilang love story at kapulutan ng aral ng ibang nagmamahalan na hindi malinaw ang tunay na kalagayan ng kanilang relasyon. Panoorin ang video.
--FRJ, GMA Integrated News