Wala na ngayong problema sa mga nais na ibiyahe ang kanilang fur babies dahil mayroon nang mga pet transport. Anu-ano nga ba ang dapat tandaan kapag ibinibiyahe ang ating mga alaga--by air, land, o sea.
Sa programang "Dapat Alam Mo," sinabing nagamit ni Charles Chua ang kaniyang kaalaman sa logistic at passion sa pet para itayo ang negosyong pet transport.
Ang kanilang booking o paghahatid o sundo ng mga alaga, hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.
Ayon kay Charles, nakapaghatid na sila ng mga pet sa Amerika, Canada, at Middle East. Sa Pilipinas naman, kahit saang lugar.
Kaya naman ang paraan ng kanilang paghahatid ng pet, puwedeng by land, sea, at maging air.
At kagaya ng tao, may mga paghahanda raw na kailangang gawin bago ibiyahe ang mga alagang hayop.
Payo ni Charles, huwag munang pakainin ang mga alaga ng tatlo hanggang apat na oras bago ang nakatakdang biyahe.
"Kasi kapag busog ang pet at biglang ibiniyahe, masusuka po. Everytime na susuka po ang pet magko-cause po ito ng dehydration," paliwanag ni Charles.
Sa pagbiyahe ng alaga, lalo na kung malayo o isasakay ng eroplano o barko, dapat ihanda ang mga kailangang dokumento.
Kinabibilangan ito ng vet card with anti-rabies, health certificate mula sa veterinarian na permit to travel, at shipping permit mula sa Bureau of Animal Industry.
Kung isasakay sa barko ang pet, sinabi ni Chua na kasamang isasakay sa barko ang van kung saan nakasakay ang alaga.
Dapat naman nakalagay sa carrier na may ventilation ang fur baby kung ibibiyahe sa eroplano. Karaniwan umanong nananatili mula ang pet sa cargo ng dalawang oras bago ang biyahe.
Pagtiyak ni Charles, mga professional ang pet handler na kasama ng fur babies sa kanilang biyahe na magpapakain, magpapainom, at magbibigay sa kanila ng vitamins.
Ang bayad sa pet travel kung isasakay sa eroplano, magsisimula umano sa P5,000. Habang ang ibibiyaheng pet by land o sea, depende sa destinasyon at sukat ng alaga na nagsisimula sa P4,000. -- FRJ, GMA Integrated News