Dahil sa biglang pagkamatay ng alagang bibe, naisipan ng isang lalaki sa Rodriguez, Rizal na katayin ang hayop at kainin para hindi masayang. At laking gulat niya nang makita sa loob ng bibe ang dalawang piraso ng maliit na bagay na bilog at kulay ginto.
Kuwento ni John Airick Santos, may-ari ng bibe, sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," nagsagawa siya ng pagsusuri sa internet hanggang sa makita niya ang mga antigong barya na gawa sa ginto na kung tawagin ay piloncitos.
Ayon sa mga eksperto at mga kolektor, ang piloncitos ang ginamit ng mga sinaunang Filipino na pagbayad sa mga produkto, bago pa man dumating ang mga kastila.
Ang isang piloncitos na ipinasubasta, naibenta umano ng $2,585 o katumbas ng mahigit P100,000.
Halos magkasinlaki at pareho ng hitsura ang antigong piloncitos at ang dalawang maliit na bagay na nakita ni John sa bibe.
Ang coin at antique collector na si Bryan Edralin na may koleksyon din ng mga piloncitos, sinuri ang kulay gintong bagay na hawak ni John.
Bagaman may pagkakahawig sa piloncitos, napansin ni Bryan na walang makikitang marka ng "baybayin" sa bagay na hawak ni John.
Kapansin-pansin din na hindi mukhang antigo ang nasa likurang bahagi ng mga ito.
Sa kabila ng opinyon ni Bryan na hindi piloncitos ang nakuha sa bibe, ipinasuri din sa gold appraiser ang hawak na bagay ni John upang malaman kung ginto ito.
Pero nang suriin, lumitaw na tanso at hindi ginto ang dalawang bagay na nakuha sa loob ng bibe.
Posible umanong ordinaryong botones lang ang dalawang bagay na nakain ng bibe. Tunghayan ang buong kuwento sa video.--FRJ, GMA Integrated News