Kinakiligan ng netizens at mga parokyano ang isang buko juice vendor dahil sa taglay niyang kakisigan habang naglalako ng kaniyang mga paninda sa Parola sa Iloilo City. Ano nga ba ang kuwento ng buhay ng binata, na pangarap ding maging modelo o artista.
Sa programang “i-Juander,” ipinakilala si Frenchant Camino, 24-anyos at pangalawa sa tatlong magkakapatid.
Ayon kay Camino, hindi siya nakapagtapos sa kolehiyo dahil sa hirap ng buhay.
Bago maging isang tindero, nagtrabaho si Camino sa construction sa tapat ng bahay ng kaniyang pinsan. Kalaunan, may negosyante na nag-alok sa kaniyang magtinda.
Kabilang sa mga itinitinda ni Camino ang frozen goods, buko pie at buko juice, na inilalako niya sa ferry terminal sa Parola, kung saan maraming consumer.
Ginagawa ni Camino ang paglalako para makatulong sa mga gastusin sa pamilya.
Itinuturing niyang blessing nang mag-viral sa social media ang mga larawan niya.
“Ang nabago sa akin ng buko juice sa buhay ko ay lumaki ang aking kita at mas marami nang bumibili sa akin. Tumaas ang aking kita sa tulong ng tumatayo kong ama sa aming negosyo,” sabi ni Camino.
“Kaya ko nang tulungan ang aking pamilya sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan,” dagdag ng binata.
Inihayag din ni Camino na pangarap niyang maging artista o kaya ay modelo.
“Ang mindset ko lang ay hinayaan ko lang si God kung anong pagkakataon ang ibibigay niya sa akin,” sabi ni Camino.
Matupad kaya ang pangarap ni Camino na maging isang modelo? Panoorin ang buong kuwento sa video. --FRJ, GMA Integrated News