Pagdating sa Chinese Horoscope, itinuturing ang 2023 bilang ang Year of the Water Rabbit. Anu-ano nga ba ang kapalaran ng iba pang animal signs, at sinu-sino sa kanila ang mas susuwertehin ngayong taon?

Sa programang "Unang Hirit," sinabi ng feng shui consultant na si Johnson Chua na apat na animal signs ang pinakasuwerte ngayong 2023: ang Year of the Rat, Year of the Horse, Year of the Dragon at Year of the Dog.

Para sa mga Year of the Rabbit, (1927, 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999, 2011, 2023), malakas ang kanila ang mga oportunidad, bagama't marami ring mata ang nakatingin sa kanila kaya malakas din ang kanilang conflict energy.

"Minsan kapag sarili mong taon, medyo lumalakas 'yung mga inggit... Huwag kang magpapadala sa emotions, sa mga naririnig mo, ituloy mo lang kung ano ang nilalaban mo for the year," sabi ni Chua.

Para sa mga Year of the Rat (1924, 1936, 1948, 1960, 1972, 1984, 1996, 2008, 2020), suwerte sila pagdating sa career, business at love.

Para sa mga Year of the Horse (1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014), masuwerte sila sa power at career, at magiging productive sila para sa taon. Nasa Horse din ang wealth money star, kaya puwede pang lumaki ang kanilang negosyo.

Para sa mga Year of the Dragon, (1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000, 2012) magiging malakas ang kanilang influence energy o convincing power sa business, career at mga proyekto.

Para naman sa mga Year of the Ox, (1925, 1937, 1949, 1961, 1973, 1985, 1997, 2009, 2021), magiging maayos sila sa kanilang career ngunit dapat maging maingat sa mga "non-trusting people," dahil "prone" sila sa mga manloloko.

Para sa mga Year of the Tiger (1926, 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998, 2010, 2022), magiging mainam sila pagdating sa money luck, pero kailangan nilang mag-ingat pagdating sa trust issues, dahil puwede rin silang ma-scam o maloko.

Kailangan din nilang maingat pagdating sa kalusugan at kaligtasan, lalo pagdating sa blood circulation at mga aksidente.

Para sa mga Year of the Snake (1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013), magiging malakas sa kanila ang kanilang network, connection at resources.

Gayunman, magiging mainit sila sa pag-aaway o quarrel at misunderstanding. Kaya kailangan nilang bawasan ang init ng ulo at kontrolin ang kanilang emosyon.

Para sa mga Year of the Sheep (1931, 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003, 2015), magiging mainam sa kanila ang kanilang network at connections. Marami ring pwedeng mangyari sa kanilang opportunities. Ngunit kailangan umanong maging mapili ang tamang goal at huwag pagsabay-sabayin ang mga ginagawa.

Para sa mga Year of the Monkey (1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004, 2016), "improvement year" din ang 2023 kung saan magbubukas ang mga oportunidad at wala nang magiging mga balakid. Mainam din itong taon para matuto o magdagdag sila ng bagong skill at magtayo ng negosyo.

Samantala, suwerte rin sa pagmamahal ang Horse, Sheep, Dog at Pig dahil sa kanilang "allies" at "secret friends."

"Kapag kaibigan mo ang taon, ibig sabihin malakas ang network, malakas ang sources. This is also the right time to find your right one, your loved one," ani Chua.-- FRJ, GMA Integrated News