Mas bagong Christmas decor, mas maganda. Pero bago idispatya ang mga lumang palamuti sa Pasko, suriin muna ang mga ito dahil baka antigo na at mas mahal na pala ngayon ang presyo.
Gaya ng antique collector na si ni Kyle Gianan, na ang nabili noong 2016 na baby Jesus na inilalagay sa belen, umaabot na raw ang presyo sa P85,000 ngayon.
Kuwento ni Gianan sa “Kapuso Mo Jessica Soho,” nabili niya sa Laguna ang baby Jesus na halos dalawang pulgada lang ang laki.
Gawa ito sa ivory at nasa P16,000 noon ang presyo. Ngayon, maituturing pambihira na ang naturang imahe ng baby Jesus dahil bawal na paggawa ng ivory mula sa pangil o tusk ng elepante.
“Around 2016, ang bentahan nila noon mga P16,000 – P18,000 pero ngayon P75,000 – P85,000 na. And the price they are trying to buy it from me, sabi ko wow ang laki na nang kinita agad," saad niya.
Naniniwala rin siya na may hatid din na suwerte sa kaniya at sa kaniyang pamilya ang naturang imahe ng baby Jesus.
Bukod sa baby Jesus, mahilig din magkolekta si Kyle ng mga may kinalaman kay Santa Claus.
Mayroon siyang rare edition ng 1979 Funny Komiks na may larawan ni Santa Claus at nagkakahalaga raw ng halos P2,500.
May Santa Claus rin siya na gawa sa vinyl na may presyong abot sa P1,000.
Nagkakahalaga naman ang isang pares ng Santa Claus at Christmas Lady na limang dekada na ang tanda na nagmula pa sa Greece na P5,000.
Maituturing naman na isa sa pinakamahal na Christmas decor sa kanyang koleksyon ang rare Santa Cookie Jar na tinatayang anim na dekada na ang tanda.
Gawa raw ito sa ceramic na nasa 12-14 inches ang taas.
Nakaimbak lang daw ito noon sa junkshop bago niya nabili sa halagang P1,300.
“Sa ngayon mga nasa P5,000 na siya,” sambit ni Kyle.
Kaya naman ngayong Pasko, huwag basta itapon ang mga lumang Christmas decor para mapalitan ng bago dahil baka mas mahal pa ang halaga nito.--FRJ, GMA Integrated News