Sa pag-ibig, may kasabihan na age is just a number. Pero bakit nga ba kahit edad 80 at 72 na sina Lolo Cesar at Lola Josephine, tila may humahadlang pa rin sa planong nilang pagpapakasal?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” isinalaysay ni Lolo Cesar Cusion at Lola Josephine Aniñon o Pina, kung paano nagsimula ang kanilang pag-iibigan sa kabila ng kanilang edad.
Gayunman, napag-alaman na tutol ang kani-kanilang mga anak sa kanilang kasal kaya naging mala-you and me against the world ang kanilang love story.
Sa isang poso sa plaza ng Pikit, North Cotabato madalas daw na magkita ang dalawa. Taga-igib ng tubig si lola Pina at taga-deliver naman si lola Cesar.
“Lagi naman kaming nagkikita kasi siya ang taga-igib ng galon na dini-deliver ko,” ani lolo Cesar.
Hanggang sa tumagal, si lolo Cesar, nagpapansin na kay lola Pina.
"Na-in-love ako sa kaniya… ewan ko kung bakit ako na-in-love,” dagdag pa ni lolo Cesar.
Pero hindi naman kaagad bumigay si lola Pina at pinaabot pa ng ilang buwan bago niya ibinigay ang matamis na oo si lolo Cesar.
“Alangan naman kakaligaw niya lang sumagot ka na agad ng I love you too! Isipin muna kung mahal mo rin. Mga dalawa, tatlong buwan bago ko siya sinagot,” saad niya. “Basta mahal ko siya. Huwag lang siyang maghanap ng iba. Kung maghanap siya ng iba, break down.”
Wala namang sabit o problema sa dalawa kung maging magkarelasyon man dahil biyudo’t biyuda na sila.
Namatay noong 2012 ang misis ni lola Cesar, habang anim na taon nang balo si lola Pina.
Ilang buwan din na naranasan ng dalawa ang LDR o in a long distance relationship, nang umalis si lolo Cesar para bisitahin ang kanyang anak at apo sa Cebu.
“Sabi ng mga kapitbahay na tsismosa diyan, ‘hindi na magkabalikan.’ Dalawa ang karibal niya kung hindi pa siya umuwi hanggang December, wala na out na siya,” sambit ni lola Pina
At nang hindi na matiis ni lolo Cesar na hindi makita si lola Pina, kaagad na siyang umuwi ng North Cotabato.
Nagkataon din na may inorganisang kasalang bayan ang kanilang lugar kaya hindi na nag-aksaya ng panahon si lolo Cesar na ayain ng kasal si lola Pina.
“Nakita ko na ang aking pangalawang asawa,” saad ni lolo Cesar na aminadong in love kay lola Pina.
"Mas mabuti nga matanda magpakasal kaysa sa matanda hindi nagpakasal at nagsama forever, diba?” dagdag naman ni Nanay Pina.
Pero bakit nga ba may humadlang sa kanilang pagpapakasal at matuloy pa kaya ang palitan nila ng "I do?" Tunghayan ang nakakikilig nilang kuwento na kapupulutan ng inspirasyon sa video na ito ng “KMJS.” --FRJ, GMA Integrated News