Dahil may 13th month pay at bonus na posibleng matanggap ngayong Disyembre, umaasa ang ilang nagpautang na maalala at mababayaran na sila ng mga may utang sa kanila. Pero maaari pa bang singilin ang utang na walang kasulatan gaya sa mga dating magkaibigan? Alamin.
Sa segment “Kapuso sa Batas,” sinabi ni Atty. Gaby Concepcion na kailangang may kasulatan ang nagpautang at umutang kung papatawan ng interes o tubo ang ipapahiram na pera.
“As a general rule, kung magpapautang kayo at gusto ninyong patawan ng interes, kailangang nakasulat ang obligasyon ng nangutang na magbayad ng interes. So dapat written at kung ano ang rate,” ani Concepcion.
Hindi umano maaaring pilitin ang nangutang na magbayad ng interes kung walang kasulatan ukol dito.
Pero kahit walang kasulatan, ipinaliwanag ni Concepcion na kung sinulatan na ang nangutang ng demand letter, maaari na raw magsimula ang pagbabayad ng interes sa legal rate na 6% per annum na nag-uumpisa simula sa petsa ng written demand for payment.
Sinabi rin ni Concepcion na maaaring magsampa ng kaso tungkol sa utang na walang kasulatan at hindi binayaran sa loob ng anim na taon.
“Kung walang kasulatan o contract of law ang mangyayari, maaaring mag-file ng kaso within six years. Of course, ‘yung bigger problem ay ebidensya kung talagang tinatakbuhan na kayo, paano ang ebidensya kung mayroon man usapan at kung magkano ang pinag-uusapan ng utang na ito,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa abogado, maaaring magsampa ng kaso tungkol sa utang na may kasulatan at hindi nabayaran sa loob ng sampung taon.
“Kung may kasulatan naman, maaaring mag-file ng action within 10 years. Ito ay para sa mga civil na kaso para ma-recover ang pera,” paliwanag niya.
Samantala, binaggit din ni Concepcion na ang hindi pagbabayad ng utang na may kasamang panloko ay maaaring kaso ng estafa.
“Kung may kasamang panloloko ang hindi pagbabayad ng utang, ito naman ay maaari nang isang kaso kriminal tulad ng estafa na may prescriptive period na aabot ng hanggang labing-limang taon,” giit pa niya.--FRJ, GMA Integrated News