Kahit isinilang na may kondisyon, itinuturing na biyaya ng kaniyang mga magulang si Baby Benjamin. Kilalanin siya sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Sandra Aguinaldo.
Isinilang si Baby Benjamin nito lang nakaraang Enero sa Davao City. Tabingi ang kaniyang ilong, maliliit ang mga butas ng mata, at mas malaki ang sukat ng ulo kaysa karaniwang sanggol.
Regular naman daw na pagpapa-checkup noon ang kaniyang ina habang ipinagbubuntis si Baby Benjamin.
"Naghingi ako ng sign kay Lord na kung siya po ba talaga ang ibigay ni Lord para sa akin, bigyan niyo po kami ng anak. Ngayong buwan na po, gusto ko po. Sa awa ng Diyos, dumating po sa amin si Benjamin," sabi ni Dennilie Bonggo, ina ni Benjamin.
Ayon kay Dennilie, maayos naman ang kaniyang pagbubuntis at sinunod niya ang mga gamot na niriseta sa kaniya. Regular pa siyang nagpapa-check up buwan-buwan.
Pero pagdating ng ikawalong buwan niyang pagbubuntis, nasilip sa ultrasound ang mga kakulangan sa kondisyon ni Benjamin.
"Nakita po na hindi po buo ang mukha ni baby, pati 'yung brain niya po. Nasabihan kami ng OB na baka ilabas ko lang si baby, hindi siya mabubuhay. Kung mabubuhay man po siya hindi rin siya magtatagal," sabi ni Dennilie.
"Naaawa po ako sa baby ko, na bakit po ganiyan 'yung mukha niya? Inalagaan ko naman po si baby. Isang araw po ako nag-iyak nu'n kasi hindi ko matanggap," dagdag ni Dennilie.
"Noong una parang hindi ko matanggap kasi first baby namin 'yon. Nilalakasan ko lang ang loob ng partner ko. Sabi ko sa kaniya, tingnan na lang natin paglabas ni baby, at saka alagaan na lang natin siya," sabi ni Dennis.
Hanggang sa isilang na si Benjamin nitong Enero. At habang lumalaki, tila normal na bata lang din siya-- aktibo, madalas maglaro, mahilig tumambay sa labas ng bahay at magana ring kumain.
Gayunman, hirap siyang makakita dahil kaliwang mata lang niya ang nakaaaninag. Sa pamamagitan ng bibig humihinga si Benjamin, at may mga pagkakataong nahihirapan siyang gumalaw.
Ngayon siyam na buwan na si Benjamin, wala pa naman daw nakikita sina Dennilie na komplikasyon ng anak. At dahil matagal na nang huling naipatingin sa espesyalista si Benjamin, sinamahan siya ng programa para maipa-checkup.
Ano kaya ang natuklasan ng mga doktor sa kaniyang kalagayan? May paraan pa kaya upang maisaayos ang mukha ni Benjamin? Tunghayan 'yan sa video na ito ng "Dapat Alam Mo!" —Jamil Santos/NB/FRJ, GMA Integrated News