Habang nasa Dapitan matapos ipatapon doon ng pamahalaang Kastila noong 1892, kabilang si Rizal sa tatlong mananaya ang tumama ng jackpot sa lotto.
Sa dokumentaryo ni Howie Severino para sa "i-Witness," sinabing dalawang mananaya ang naging kahati ni Rizal sa jackpot prize sa lotto na nagkakahalaga noon ng P20,000.
Sa kasalukuyang panahon, ang naturang halaga ay katumbas ng mahigit P2.5 milyon.
Bahagi ng napanalunan ni Rizal ay ginamit niya para makabili ng lupain sa Dapitan na tinayuan niya ng mga estruktura, kasama ang munting paaralan, klinika at bahay.
Makikita ngayon sa naturang lugar ang mga replika ng ipinagawang estruktura ni Rizal, gaya ng mga kubo na hango mula umano sa mga kuwento ng kaniyang mga naging mag-aaral.
Sa museo na itinayo roon, makikita ang pisara na mismong ginamit ni Rizal sa pagtuturo, at ang kaniyang lamesa na siya mismo ang umukit ng disenyo.
Napag-alaman din na nang patayin na si Rizal sa Bagumbayan [Luneta], kinailangan pa pala ng pambansang bayani na magbayad ng danyos sa pamahalaang Kastila.
At kabilang sa mga kinuha ng pamahalaang Kastila ay ang mga gamit ni Rizal na naiwan sa Dapitan. Tunghayan sa video na ito ng "i-Witness" ang buong kuwento at iba pang mahahalagang impormasyon tungkol sa buhay ni Rizal.--FRJ, GMA Integrated News