Dahil sa malaking balat sa mukha, naging tampulan ng tukso ang isang lalaki na tinatawag na aswang o baboy ramo. Pero bakit nga ba nagkakaroon ng malaking balat ang tao at may paraan ba upang maaalis ito?
Sa programang “Pinoy MD”, ikinuwento ng 23-anyos na si Jessie Caiso, na madalas siyang tuksuhin noon dahil sa malaking balat na halos tumakip na sa kaliwa niyang pisngi.
Bukod sa kaniyang pisngi, tinubuan din siya ng mga balat sa iba’t ibang parte ng kaniyang katawan, partikular sa binti at likod.
“’Yung pagpasok ko po ng school natatakot po sila sa akin kaya tinanong ko yung mga kaklase ko. Ayaw daw nila sa akin kasi aswang daw ako, baboy ramo. Kaya umiiyak sila, then ako umiiyak din ako. Kaya pag-uwi ko sa bahay tinanong ko po si mama kung anong nangyari sa aking mukha at bakit ganito,” aniya.
Ayon sa kaniyang nanay, ipinaglihi raw si Jessie sa baboy na may patse sa balat. Kaya raw sa sampung magkakapatid, siya lang ang isinilang na may malaking balat.
“Hindi ko rin po alam kung anong nangyari sa akin. Tinanong ko rin po si God kung bakit ito binigay sa akin,” dagdag pa ng binata.
Sabi ng mga eksperto, ang balat ay resulta ng pagkakaroon ng maraming pigment cells sa isang parte ng katawan o ang tinatawag na melanocytes.
Kung minsan lumalabas ang balat sa pagkapanak pa lamang o puwede rin kapag nagka-edad na, dagdag pa ng mga eksperto.
Nang makapagpasuri si Jessie sa ospital sa Dumaguete City, sinabi ng doktor na mayroon siyang hypertrichosis o ang abnormal na pagtubo ng buhok sa halos lahat ng parte ng katawan.
Madalas din tawagin ang ganitong kondisyon na “werewolf syndrome.”
Ayon naman sa dermatologist na si Dr. Jean Marquez, posible na ang kondisyon ni Jessie ay tinatawag na hairy nevus.
“Basically, kasi ang hypertrichosis is just a definition of excessive hairs or excessive hair growth. In his case, ‘yung excessive hair growth, actually occurred doon sa mismong balat o doon sa mole. That’s why its called giant hairy nevus,” paliwanag ni Marquez.
“Giant hairy nevus is one form of congenital melanocytic nevus. Mayroon lang siyang excessive hairs,” dagdag pa niya.
Nilinaw din ng doktora na hindi totoong may kinalaman sa paglilihi ng kaniyang nanay ang kondisyon ni Jessie.
“Walang scientific evidence na kapag ay kumain ng baboy o mga pagkain na mabalahibo o mga meat magkakaroon ka nito. Wala pong katotohanan ‘yan,” diin pa ni Marquez.
Samantala, mas malaki ang tsansa na maging cancerous ang hairy nevus kapag mas malaki ang mga ito, ayon sa mga pag-aaral.
“Dapat niyang bantayan at tingnan kung may pagbabago pa dun sa kaniyang mga moles—nag-iiba ba ‘yung color, kung lumalaki ba ito ng sobra, kung nag-iiba ba ‘yung texture. Minsan ‘yung iba nakaalsa, minsan ‘yung iba ay flat, parang nagiging rough ‘yung area, kung mayroon bang pagdurugo, kung may pangangati,” saad ni Marquez.
“Dapat regularly talagang nagbabalik-balik sa dermatologist para ineeksamin ang mismong balat and of course other moles surrounding ‘yung balat na ‘yun,” aniya pa.
Ayon kay Marquez, maaari namang matanggal ang balat sa pamamagitan ng laser procedure o operasyon depende sa laki. Pero may mga dapat umanong isaalang-alang din. Alamin kung ano ito sa buong talakayan sa video.--FRJ, GMA Integrated News