Hanggang saan nga ba aabot ang P1 ngayon? Para sa isang estudyanteng nasa kabundukan ng Manjuyod, Negros Oriental, kayang abutin ng P1 ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral sa tulong na rin ng Piso WiFi machine.

Sa programang "Good News," sinabing nakapagtapos ang 28-anyos na si Edo Devero, ng Bachelor of Science in Secondary Education, sa tulong ng Piso Wifi machine dahil online ang mga klase.

Bago nito, naudlot ang pangarap ni Devero na makapag-aral dahil sa kahirapan. Pero naigapang siya ng kaniyang mga magulang.

Naipagpatuloy din ni Devero ang kaniyang pag-aaral sa paghulog niya ng mga barya sa Piso WiFi machine para makigamit ng mga internet.

"Kasi noong time na nagka-pandemic, walang signal sa amin at online class. Lahat ng transaksiyon sa pag-aaral, lahat ng files, assignments, doon lang nakabase sa online lahat. Mula dito sa bundok namin pagbaba pa lang ng bayan, gagastos ka na ng halos P500, makakapag-data ka lang, makapag-signal ka lang at mag-send ka ng files," sabi ni Devero.

Pero nang dumating ang Piso WiFi machine sa kanilang barangay, bumaba ang kaniyang gastos mula sa P500 na naging P5 na lang, na sapat na para sa dalawang oras niyang online class.

May trabaho na ngayon si Devero, at naghahanda para sa kaniyang board exam para maging ganap na isang guro.

"Lahat ng mga reviewer nasa online na lahat. Ang advantage na sa amin na nadito 'yung Piso Wifi at ang lakas pa ng koneksiyon, anytime kahit anong oras magre-review," sabi ni Devero.

Ang Piso WiFi machine ay naisip ng 30-anyos na si Yasir Saumay, na may vlog na Yamuas TV, na kaniyang dinala sa mga barangay sa Manjuyod noong 2019.

Ang bawat P1 na hulog sa makina, makakagamit na ng wifi ng 20 minuto sa kanilang lugar. Nakatutulong na si Saumay sa ibang tao na kailangan ng internet signal, kumikita pa siya para may panggastos sa kaniyang pamilya.--FRJ, GMA News