Mula pa pagkabata, sipunin na ang 16-anyos na si Luis Primo Payongayong. Hanggang sa maapektuhan na nito ang kaniyang pagtulog, paghinga at panlasa. Isa nga ba itong ordinaryong sipon lamang o senyales ng mas malala pang kondisyon? Alamin kung bakit hindi dapat balewalain ang sipon.
"Meron pong araw na nasa eskuwela ako tapos hindi po talaga ako makahinga. Tapos pinapabanggit po kami ng M pati N tapos 'yung Ñ. Hindi ko po mabanggit nang maayos," sabi ni Primo sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Chino Gaston.
Kalaunan, naging malaking sagabal na ang palaging sipon ni Primo sa kaniyang buhay.
"Sumasakit na po lagi 'yung [gilid ng ilong] ko, pati [noo]. Tapos 'yung [dulo ng ilong] ko, laging namumula kasi kamot ako nang kamot, kakabahing. 'Yung sakit parang pinipiga 'yung parte ng ilong, para siyang tumitibok," patuloy niya.
Naapektuhan na rin nito ang pagtulog ni Primo, dahil hindi siya makahinga, natutuyot ang kaniyang bibig dahil sa bibig na siya humihinga.
Pati ang kaniyang pandinig at panlasa, apektado na rin. Para na raw butas ang kaniyang tainga dahil naririnig niya ang kaniyang paghinga sa parte ng kanang tainga.
Nang magpasuri sa ear, nose, and throat (ENT) doctor, napag-alamang mayroong allergic sinusitis si Primo.
Nagsisimula ang allergic sinusitis sa nasal cavity, hanggang madamay pati sinuses kung saan nabubuo ang sipon. Kapag hindi naagapan, posibleng magkaroon ang pasyente ng otitis media o pamamaga sa loob ng tainga.
Sa kaso ni Primo, sinabi niyang alikabok ang trigger ng kaniyang sinusitis.
Para sa kaniyang gamutan, sumasailalim si Primo sa nasal spot suctioning at sinus lavage para makahinga o maalis ang nabuong sipon sa kaniyang ilong, na nagkakahalaga ng P2,000 kada session.
Dalawa hanggang tatlong beses na niya itong ginagawa bawat taon, at ginagawa nito ito sa loob ng mahigit isang dekada na.
Gayunman, walang direktang lunas ang sakit ni Primo kaya kailangan niya ng maintenance, na nakapagbibigay naman ng malaking ginhawa sa kaniyang kondisyon. Panoorin ang buong talakayan sa video. --FRJ, GMA News