Naitala nitong Hulyo ang unang kaso ng monkeypox sa Pilipinas sa isang 31-anyos na pasyente. Ano nga ba ang mga dapat gawin para makaiwas at hindi mahawahan ng monkeypox?
Sa programang "Pinoy MD," sinabing ang monkeypox ay isang zoonotic disease, o sakit mula sa hayop na naipapasa sa tao.
Unang nadiskubre ang monkeypox sa mga unggoy na pinag-aralan sa South Africa noong 1950.
Ngunit ngayong taon, nagkaroon na ng monkeypox outbreak sa United Kingdom, Australia, Canada at Amerika.
Kabilang sa sintomas ng monkeypox ay lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng katawan at likod, namamagang kulane, panginginig, at pagkapagod.
Sa mga mas matitinding kaso ng monkeypox, puwede itong magdulot ng pamamaga ng puso, pamamaga ng utak at pneumonia.
Ayon kay Dr. Kristel Jayne Medina, hindi dapat maging kampante ang mga tao kahit nasa mababang 50/10,000 lang ang case fatality rate ng monkeypox, dahil may mga tao na "at risk" na magkaroon ng "severe manifestations" ng sakit, at vulnerable tulad ng mga bata, buntis at immunocompromised.
Para maiwasan ang monkeypox, palaging magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, at mag-disinfect lalo kung nasa pampublikong lugar.
Ipagbigay alam sa Research Institute for Tropical Medicine kung sakaling makaramdam ng sintomas ng monkeypox.
Panoorin sa video ang buong talakayan sa Monkeypox.--FRJ, GMA News