Matagal nang usap-usapan ang mahiwagang lungsod ng "Biringan" sa Samar na sinasabing napakaganda,  may matatayog at nagliliwanag na mga gusali. Pero ang mga nakatira umano ito rito, mga engkanto.

Kahit marami ang nagsasabi na totoo ang maalamat na Biringan City, at may nakapunta na raw o nakita ang lugar, wala pa namang nakapagpapakita ng patunay gaya ng larawan o video para makumpirma na talagang totoo ang misteryong lugar.

Pero kamakailan lang, isang video ng vlogger ang nag-viral dahil napasok daw nila ang sinasabing lugar ng mga engkanto. May mga nakuhanan pa raw silang mga misteryosong ilaw at may ingay pa ng mga sasakyan at iyak ng sanggol.

Ang bangkero na si Tatay Orlando, sinabing nakarating na rin niya ang mahiwagang siyudad. At handa raw niyang ituro kung nasaan ito.

Kasama si Tatay Orlando, ilang awtoridad, at ang team ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," pinuntahan nila ang isang isla na sinabing kinaroroonan ng misteryong Biringan City.

Tunghayan sa video ang natuklasan ng grupo sa isla, at ang obserbasyon ng pulisya sa video na kuha ng vlogger na sinasabing nakarating din sa misteryosong lugar. Panoorin.--FRJ, GMA News