Ikinuwento ng isang ginang na hiniwalayan umano siya ng kaniyang asawa dahil maputla o hindi "kissable" ang kaniyang labi. Ngayon, may paraan na para maging mapula ang labi sa pamamagitan ng lip blush. Pero ligtas ba itong gawin? Alamin.
"Ang gusto ng mga lalaki na iyan, sexy, maganda, tapos complete package, lalo na sa face. Kunwari ang labi mo maputla, mapagmamalaki ka ba nila sa iba? Hindi," sabi sa programang "Pinoy MD" ng 29-anyos na single mom na si Jhodalyn Mangalus.
Ayon kay Jhodalyn, natural na maputla raw ang kaniyang labi. Kaya naman hindi niya maiwasang mainggit kapag nakakakita ng mga babaeng may "shining, shimmering" na lips.
"'Yung iba kasi siyempre sa first meet, kiss agad, 'di ba? Nakaka-[attract] talaga 'pag kissable lips ka. Ang mga lalaki kasi, kapag nakita, 'Oy ang ganda naman ng labi no'n,' kumikislap, mamula-mula, sarap na sarap na sila agad tingnan doon pa lang," sabi ni Jhodalyn.
Naglalagay ng lipstick si Jhodalyn para maging mapula ang kaniyang labi. Pero bukod sa kumakain ito ng oras sa paglalagay, magastos din lalo na kung paiba-iba ng shade o kulay ang gagamitin.
Ngayon na obligado pang magsuot ng facemask dahil sa pandemic, kahit papaano ay nagagawa ni Jhodalyn na maitago ang maputla niyang labi.
Ang isang paraan para maging mapula ang labi ay ang lip blush, na parang pagta-tattoo sa labi na tumatagal ang kulay ng dalawang taon bago mag-fade.
Nagkakahalaga ang lip blush ng P3,000 kada session. Ang proseso, tila hinihiwa ng blade ang labi hanggang sa ma-expose ang inner layer. Pagkatapos nito ay lalagyan ng tinta ang labi batay sa kulay na nais ng kliyente.
Inaasahan na mamamaga ang labi ng kilyente sa loob ng isa hanggang dalawang araw. Pero may ibibigay na ointment para maigsan ito.
Ayon sa dermatologist na si Dra. Jean Marquez, ligtas naman ang lip blush kung sterile ang pagkagawa o ang preseso, at malinis maging ang lugar kung saan ito isinagawa.
"Pangalawa, may mga post-care instructions na dapat i-follow yung nagpa-treat. And pangatlo, kung walang allergy yung magpapa-treat," dagdag niya.
Gaya ng ilang ilalagay sa balat, makabubuti raw na magsagawa ng skin patch test ang sasailalim sa lip blush para malaman kung may allergic reaction ang taong sasailalim sa proseso.
Naisipan din ni Jhodalyn na magpa-lip blush para matakpan na ang maputla niyang labi. Ano kaya ang kakalabasan nito? Tunghayan sa video ng "Pinoy MD."--FRJ, GMA News