Madalas mang hindi pinapansin, masarap isama sa salad at dessert ang Tino-Tino. Ang naturang halaman, ginagamit din bilang panlaban umano sa iba't ibang uri ng sakit tulad ng cancer, malaria at hepatitis.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Kuya Kim Atienza, sinabing ang Tino-Tino ay kilala sa ibang bansa bilang cape gooseberry o golden berry.
Sa Ilocano naman, tinatawag itong Tultul-Laya, o Pantu-pantugan, o Lobo-Lobohan.
Paliwanag ng botanist na si Wally Suarez, makikita ang mga Tino-tino sa lowlands tulad ng palayan at gulayan, at maging sa mga tabing kalsada. Kaya para rin itong damo o weed na kung saan-saan tumutubo.
Isinasama sa ibang bansa ang cape gooseberries sa kanilang mga salad at dessert.
"Mataas ang Vitamin A content. So 'yung Vitamin A is kilalang anti-oxidant, 'yung anti-cancer properties ay totoo. Actually ginagamit 'yan sa Peru kasi sa Peru talaga nanggaling 'yung Tino-tino. Ginagamit 'yan sa anti-cancer, sa malaria, Hepatitis," sabi ni Suarez.
Ngunit paalala, hindi dapat kainin nang hilaw ang Tino-tino dahil maaaring makasama ito sa katawan ng tao.
"Kapag hilaw preferrably hindi mo kakainin ang Tino-tino kasi may lason. Dalawa ang main component ng pagiging lason ng Tino-tino, 'yung Saponin at Alkaloids," sabi ni Suarez.
Ang Saponin ang nagdudulot ng infertility at diarrhea, samantalang ang Alkaloids ay nagdudulot naman ng iregularidad sa tibok ng puso.
Tunghayan sa Dapat Alam Mo! ang paggawa ng Tino-Tino jam ng binansagang "Tino-Tino Queen" ng Capiz na si Jenevive PatiƱo. --FRJ, GMA News