Bukod sa loob o labas ng kanilang mga tahanan, mga kalsada at iba pang lugar, nagkalat na rin online ang mga "Marites" o mga tsismoso at tsismosa. Ano nga ba ang maaaring ikaso sa mga tao na nagkakalat ng tsismis online at nakakapanira ng puri ng iba?
Sa "Kapuso sa Batas," ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion na ang pagkakalat ng tsismis o iba pang paraan na nakasisira ng reputasyon ng isang tao ay tinatawag na paninirang puri o defamation.
Halimbawa ng paninirang-puri ang pag-aakusa sa isang tao na mayroon siyang ginawang krimen, o nagtataglay ng isang depekto o kondisyon.
Kung ang paninirang-puri ay sinabi nang pasalita, ito ay matatawag na slander at may mga kategoryang "simple slander" o "grave slander," depende sa antas ng pang-iinsulto o paninira.
Kung nasulat o nailathala naman ang paninirang-puri, maaaring kasuhan ang isang tao ng "libel."
Kung hindi naman malalagay sa kategorya ng slander o libel ang paninirang-puri ngunit nasaktan pa rin ang damdamin ng isang tao, maaari itong maging kaso ng unjust vexation.
Paliwanag ni Atty. Concepcion, ang unjust vexation ay isang kaso laban sa kahit anong kagagawan ng isang tao na hindi pisikal, na nagreresulta sa matinding inis, matinding pagkaasar o dahilan para mabagabag ang kalooban ng isang tao.
Ayon pa sa Korte Suprema, ang unjust vexation ay human conduct na nagresulta sa "annoyance, irritation, torment, distress or disturbance" sa isang tao.
Sa landmark ruling naman na Disini v. Secretary of Justice, idineklara ng SC na walang pananagutan ang isang tao na nag-like o share ng online post o tsismis umano ngunit hindi naman nagkomento.
Sa ilalim ng batas, ang maaari lamang managot ang may-akda o nagsulat o gumawa ng tsismis. -- FRJ, GMA News