Kahit mataas sa kolesterol, mahirap isnabin ang linamnam ng balut lalo na kung mainit at may katambal na suka't asin. Pero papaano nga ba ito ginagawa?
Sa ulat ni Suzie Entrata-Abrera sa GMA News "Unang Hirit," pinuntahan niya ang itinuturing balut capital ng Pilipinas--ang Pateros.
Para sa mga hindi nakakaalam, ang balut ay itlog ng itik, ayon sa gumagawa ng mga balut na si Mang Danny.
Ang mga sariwang itlog ng itik, ipinapasok sa incubator at mananatili doon ng 11 araw.
Pagkaraan ng 11 araw, ilalabas mula sa incubator ang mga itlog upang pailawan. Ginagawa ito upang masilip ang mga "penoy" o walang sisiw.
Madaling makita ang mga penoy dahil karaniwang dilaw ang kulay ng itlog kapag nailawan.
Kapag naihiwalay na ang mga penoy, muling ibabalik sa incubator ang mga itlog na gagawing balut. Mananatili muli sa aparato ang mga itlog ng anim na araw.
Pagkaraan nito (o kabuuang 17 araw sa incubator), maaari nang ilabas at ibenta ang mga itlog. Kailangan na lamang lutuin o pakuluan ang mga itlog upang maging balut.
Ano naman ang mangyayari kung sakaling humigit sa 17 araw ang mga itlog sa incubator? Ayon kay Mang Danny, masyadong lalaki ang sisiw sa itlog.
Panoorin ang buong proseso ng 101 ng itlog sa video na ito at alamin kung bakit nga ba laging mainit ang itlog na inilalako ng mga magbabalut? --FRJ/RSJ, GMA News