Isa sa mga pangako ni leading presidential candidate Ferdinand Marcos Jr. sa panahon ng kampanya ay maibaba sa P20-P30 per kilo ang presyo ng bigas. Posible nga ba ito? Alamin ang paliwanag ng pinuno ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Sa pulong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, na posible naman na maibaba sa P20-P30 ang per kilo ng bigas pero...
“If our support to our rice farmers are very targeted and efficient, then I think that is a possibility,” anang opisyal.
Una rito, sinabi ni Marcos na plano niyang magkaroon ng price cap sa bigas at magsilbing "middlemen" ang ahensiya ng gobyerno para sa pagbili ng mga ani ng mga magsasaka sa ilalim ng kaniyang gobyerno.
Nagkakahalaga ng P38 hanggang P50 per kilo ang local commercial rice sa Metro Manila at P37.00 hanggang P52.00 ang imported commercial rice.
Sinabi ni Chua, maaaring maipatupad ang pangako ni Marcos sa presyo ng bigas sa ilalim ng umiiral na liberalized trade regime sa Rice Tariffication law.
Sa Rice Tariffication law, pinapayagan ang pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa na may patong na mas mataas na taripa. Layunin nito na bahain ng bigas ang merkado para maibaba ang presyo.
Pero nagrereklamo ang mga lokal na magsasaka na nadedehado ang kanilang ani sa pagdami ng imported na bigas.
Para maprotektahan ang lokal industrya, naglaan ang batas ng P10-billion Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), para ipangsuporta sa mga kagamitan ng mga magsasaka upang mapalakas ang kanilang ani.
“Under Rice Tariffication, the programs are expected to increase the yield per hectare from four metric tons to five or six metric tons, so that is possible actually,” ani Chua.
Sa datos ng Department of Agriculture, sa nakalipas na dalawang taon mula nang ipatupad ang Rice Tariffication law, tumaas umano ang ani ng palay sa 19.2 million metric tons at 19.96 million metric tons noong 2020 at 2021.
Babala ni Chua, kung hindi tutugma ang ibibigay na suporta sa mga magsasaka para sa magiging produksyon ng ani, magiging problema umano na maibaba ang presyo ng bigas sa P10-P30 per kilo.
“If we are going to use taxpayers’ money solely to subsidize without conditions and without any productivity measures, then that’s a bad idea,” paalala ng NEDA chief.
Umaasa rin si Chua na hindi babaguhin ng susunod na administrasyon ang Rice Tariffication law na tinawag niyang “best model that we have to help farmers and consumers.”
“By removing quantitative restrictions, we were able to address both the needs of consumers for lower retail price of rice and use the funding from the tariff, which I believe was at P18 billion last year to fully fund the RCEF or Rice Competitiveness Enhancement Fund,” paliwanag ni Chua.
“Those calling for the removal of the RTL risks taking away P18 [billion] we are giving to farmers to improve their productivity,” dagdag niya.—FRJ, GMA News