May kakaibang paaralan na itinayo sa karagatan ng Malamawi Island, Basilan para itaguyod ang pag-aaral ng mga kabataang badjao. Ang mga guro, kailangang magbangka para maturuan ang kanilang mga estudyante.
Itinayo ang Badjao Floating Integrated School noong 1987. Sa daungan pa lang Isabela City, matatanaw na ang paaralan na tila palutang-lutang sa karagatan.
Ayon sa mga guro, sadyang itinayo ang paaralan sa ibabaw ng dagat para mailapit sa mga badjao ang edukasyon.
May mga badjao umano ang nakararanas ng diskriminasyon kapag nag-aral sa mainland kaya napipilitang tumigil sa pag-aaral.
Bukod sa mas nahihikayat ang mga kabataang badjao na mag-aral sa floating school, nasa dagat din ang kabuhayan ng mga ito at tirahan kaya mas malapit sa kanila ang pag-aaral.
Ang namumuno ngayon ng paaralan na si Julakmad Mohammad, kabilang sa mga unang naging estudyante ng naturang paaralan.
Sakop ng floating school ang 1,000 square meters at gawa sa kongkreto ang pundasyon nito. Mayroon itong 18 classroom pero hindi na raw sapat dahil nasa mahigit 1,000 na ang estudyante mula sa kinder hanggang grade 7.
Ang mga guro sa floating school, kailangang sumakay ng bangka para makarating sa paaralan. May araw na delikado raw ang pumasok, lalo na kung masama ang panahon at malaki ang alon ng dagat.
Batay sa 2019 functional literacy, education and mass media survey ng Philippine Statistics Authority, nasa 78.7 percent ang may basic literacy sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, na bahagi ang Basilan.
Ito umano ang pinakamababa sa buong bansa. Sa isang grade 6 class, nasa 12 mag-aaral ang hindi pa rin lubos na nakakabasa nang maayos.
Kahit na maraming pagsubok sa pagtuturo, desidido naman ang mga guro doon na maiangat ang estado ng edukasyon ng mga katutubong badjao. --FRJ, GMA News