Maging kahilera kaya ng kalesa at jeepney sa hinaharap bilang susunod na iconic na sasakyan ng mga Pinoy ang "siklesa," na mistulang pinagsamang motorsiklo at kalesa?

Sa video ng "Next Now," makikita ang siklesa na tila maliit na kalesang kinahatak ng electric motorcycle sa halip na kabayo.

Umaasa ang grupong nasa likod ng paglikha ng siklesa, na ito ang magiging future ng Philippine transportation.

Dahil electric motorcycle ang ginagamit, zero-emission o wala itong usok. Sustainable din ang siklesa na gawa sa kahoy at banig ang materyales.

"It's like the tesla of trikes," sabi ni Lorenzo Vega, CEO ng Siklesa. "From jeepney, which is a cultural icon, we're hoping that this is the next thing."

Kaya raw umandar ng siklesa ng anim hanggang walong oras. At habang hindi pa uso sa bansa ang mga charging stations, maaaring kargahan ang baterya ng sasakyan sa mga karaniwang saksakan ng kuryente.

"We want to help accelerate our country shift toward a sustainable future and one of the ways to do that is to make electric vehicle or anything electric that is sexy, that is cool and great," ayon kay Vega.

Sa ngayon ay nagkakahala ang isang unit ng siklesa ng P300,000. Pero inaasahang na bababa ang presyo nito kapag tumaas na ang demand.

Sa panahon ngayon na masikip na ang kalsada at mahal ang gasolina, ang siklesa na nga kaya ang magiging bagong paraan ng transportasyon? — FRJ, GMA News