Lumaki na tampulan ng tukso si Therry Padilla dahil sa tila makapal na balat na nakalaylay sa bahagi ng kaniyang kaliwang mata.

Sa programang "Dapat Alam Mo," sinabing hindi dapat balewalain ang lumalaking kuliti at eye bags lalo na sa mga sanggol dahil baka sintomas ito ng kondisyon sa talukap ng mata.

Ayon kay Therry, bata pa lang nang may mapansin na tila kuliti sa kaniyang mata. Pero ang inakalang kuliti, senyales na pala ng kondisyon na tinatawag na "plexiform neurofibromatosis."

Nalaman nila ang problema sa mukha ni Therry nang ipasuri. At kinalaunan ay nagkaroon na ng paglaylay ng tila makapal na balat sa naturang bahagi ng kaniyang mukha.

Lumaki si Therry na tampulan ng pangungutya dahil sa kaniyang kondisyon.

Ayon sa ina ni Therry na si Teresita, sinabihan siya na babalik lang ang nakalaylay na balat kahit na alisin pa.

"Extension daw 'yon ng utak niya pero magbi-bleeding kasi buhay daw ang nerves [kapag] paulit-ulit maooperahan," saad niya.

"Sabi ko ayokong mamamatay ang anak ko," patuloy niya.

Dahil sa patuloy na paglaki ng balat, nadadagdagan din ang bigat nito at may pagkakataon daw na kumikirot, ayon kay Therry.

Ngunit sa kabila ng kaniyang kalagayan, mas pinili ni Therry na mamuhay ng normal.

"Mahirap parang gusto ko nang sumuko pero kailangang lumaban," saad niya.

Kahit may nangungutya, sinikap ni Therry na makapagtapos ng pag-aaral.

Pakiusap niya, huwag sanang laiitin ang mga katulad niyang may kondisyon dahil hindi nila alam ang hirap na kanilang pinagdadaanan.

Pero ano nga ba plexiform neurofibromatosis at maaari pa nga ba itong maalis kung maaagapan? Panoorin ang video.

--FRJ, GMA News