Sa mga butanding o whale shark na dinadayo ng mga turista sa Oslob, Cebu, may isang natatangi para sa mangingisdang si Jar-R--ang butanding na itinuring niyang kaibigan at pinangalanan niyang "Fermin."

Bago makilala ang Oslob bilang tourist spot dahil sa mga whale shark, pangingisda ang pangunahing ikinabubuhay ng mga tao rito.

Pero nagbago ang lahat nang maisipan ng mga mangingisda na katulad ni Jar-R na puwede pala nilang pagkakitaan ang mga butanding.

Nagsimula raw ito nang samahan nila ang ilang turistang diver para makita ang mga butanding.

Matapos nito, binigyan sila ng pera ng mga diver at doon na sila nagkaroon ng ideya na puwedeng madagdagan ang kanilang kita sa tulong ng mga itinuturing "gentle giant" ng karagatan.

Sa paglago ng turismo sa Oslob, bumuti rin ang pamumuhay ng mga residente.

Pero dahil sa pandemiya, dumalang ang mga turistang nagpapakain sa mga butanding hanggang sa matigil pa ang turismo.

Bukod pa rito ang pananalasa ng bagyong Odette kaya dumalang na rin umano ang pagdating ng mga butanding.

Maging ang kaibigang buntanding ni Jay-R na si Fermin, ilan linggo na rin niyang hindi nakikita.

Espesyal para kay Jay-R si Fermin na mayroon umanong tila nunal sa ulo, dahil ito ang unang butanding na kaniyang nakita noong 2011.

Si Fermin din ang pinaniniwalaan nilang dahilan kaya dumami ang butanding na nagpupunta sa Oslob.

Dahil sa pagsigla nga ng turismo sa lugar, may mga mangingisda at residente na nakapagpagawa ng bahay, nakapagtapos ng pag-aaralan ng mga anak, nakabili ng mga gamit at nakapagpundar ng negosyo.

Kaya naman malaking usapin para sa kanila na bumalik muli ang mga butanding para muling sumigla ang turismo sa kanilang lugar.

Nitong nakaraang linggo, maagang pumalaot si Jay-R sa hangarin na hanapin si Fermin. At hindi nagtagal, may natanaw siyang butanding.

Si Fermin na kaya ang butanding na nakita ni Jay-R, at bumalik na kaya sa lugar ang mga dambuhala ng karagatan na itinuturing kaibigan at yaman ng mga taga-Oslob? Panoorin ang video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News