Dahil sa matagal na panahon nang hindi nalilinis ang kanilang kulungan, mistulang nakatira sa maduming kanal ang dalawang mabangis na buwaya na maaaring maging dahilan ng kanilang pagkakasakit.
Sa programang "Born To Be Wild," nagboluntaryo si Doc Nielsen Donato na tumulong upang malinis ang kulungan ng dalawang buwaya na pinangalanang Kabbun 1 at Kabbun 2, sa Panglima Sugala sa Tawi-tawi.
Amoy kanal at nabubulok na itlog umano ang singaw sa kulungan ng dalawang buwaya. Isa sa mga dahilan umano nito ay mga pagkain na naipon at nabulok dahil hindi nila kinain.
Maliliit pa lang daw noon ang dalawang buwaya nang makuha. Taong 2006 nang makapasok sa balon ang isang buwaya.
Nang mahuli ang buwaya, dinala ito sa Kabbun lodge dahil mahilig daw mag-alaga ng hayop ang may-ari.
Samantala, nahuli naman sa ilog ang isa pang buwaya nakuha sa ilog. Dahil sa pangamba na makapaminsala sa tao, dinala rin lang siya sa kulungan.
Ngayon, parehong adult na ang dalawang buwaya na tinatayang may haba na mahigit 8 at 10 talampakan.
Dahil sa kanilang laki at lakas, hindi magiging madali ang misyon na alisin ang dalawang buwaya sa kanilang maliit na kulungan para malinis ang kanilang tirahan.
Tunghayan sa video ng "Born To Be Wild" kung papaano ito gagawin nina Doc Nielsen, at anu-ano kaya ang makikita nilang nakatago sa ilalim ng mabaho at maitim na tubig? Panoorin.
--FRJ, GMA News