Hindi lang ang mga tao ang nakaranas ng gutom dahil sa COVID-19 pandemic. Ang ilang unggoy sa isang pasyalan sa Puerto Princesa, Palawan, na nasanay sa mga pagkaing bigay ng mga tao, naapektuhan din ang pamumuhay.
Sa programang "Born To Be Wild," binalikan ni Doc Ferds Recio ang Puerto Princesa Subterranean River National Park, matapos ang halos dalawang taon mula nang ipagbawal ang mga turista sa lugar dahil sa pandemic.
Sa kaniyang pagbabalik sa lugar, agad niyang napansin na mas kakaunti ang mga bayawak at unggoy na nakita niya sa lugar kumpara noon na wala pang pandemiya.
Ayon kay Doc Ferds, mahigit-kumulang 300,000 ang bumibisita mula sa iba't ibang panig ng mundo kada taon sa naturang parke, na umaabot ang kita ng hanggang P110 milyon dahil sa turismo.
Sa pagpasok ni Doc Ferds sa parke, hindi niya kaagad nakita ang mga bayawak na dating marami sa lugar. Ayon sa mga lokal, nangamatay na umano ang iba at mayroon ding bumalik na sa kabundukan.
May mga unggoy din umano na nasanay sa ibinibigay na na pagkain ng turista sa loob ng maraming taon ang nangayayat na, at mayroon din mga namatay na.
Pero ang mga hayop na hindi apektado ng pagkawala ng mga turista, nagpatuloy ang buhay tulad ng mga isdang tustusak o "mudskipper," o tilangko sa Tigbanwa.
Ang tustusak ay mga amphibious fish na kayang mabuhay sa tubig at sa lupa. Mayroon silang hasang tulad sa ordinaryong isda, at kaya ring makahinga kahit wala sa tubig.
Isa pang kayang mabuhay kahit wala ang mga tao ay ang mga binturan o mangrove snakes, na mayroong kamandag kaya sila ay iniiwasan.
Nasaksihan ni Doc Ferds ang pagkagutom ng mga unggoy sa bigay na pagkain ng turista nang magbukas ng chitchirya ang isa niyang kasamahan.
Nadinig ito ng mga unggoy na kaagad nagpuntahan sa kanilang lugar at inagaw ang pagkain palabas ng kuwarto.
Ang mga unggoy, kaniya-kaniya ring kuha ng pagkain at may pagkakataon pang inaagaw ang pagkain kahit hawak na ng isang unggoy.
Tunay nga bang nalalagay sa peligro ang buhay ng ilang wildlife dahil nakasanayan na nilang dumepende sa mga tao sa kanilang makakain?
Tunghayan ang bahagi ng dokumentaryo ng Born To Be Wild na "Breaking Territories." Panoorin.
--FRJ, GMA News