"Mag-ingat kayo na huwag kayong malulong sa labis na pagsasaya, paglalasing at matuon ang inyong pag-iisip sa mga alalahanin sa buhay na ito. Kung hindi ay baka bigla kayong abutan ng Araw na iyon". (Lucas 21:34)
Natatandaan ko noong araw, may isang sikat na awitin na ang pamagat ay "Laklak." Ang sabi sa kanta: "Ang kabilin-bilian ng lola ay huwag uminom ng serbesa dahil ito ay hindi pambata. Ngayong ako'y matanda na, lola pahingi ng pang-toma."
Ang kantang ito ay maaaring pumapatungkol sa mga taong wala nang ginagawa sa kanilang buhay kundi ang uminom at maglasing. Kung tawagin sila ng ibang tao ay mga "sunog-baga."
Sapagkat ginugugol nila ang kanilang oras at panahon sa pag-inom ng alak at magsunog ng kanilang baga, at magpakasaya. Ang iba naman ay nilulunod ang sarili sa alak para makalimutan ang mga inaalala sa buhay.
Hindi naman ipinagbabawal ng Diyos ang pag-inom ng alak lalo na kung mayroong mahalagang okasyon. Nagiging masama na lamang ito, hindi lamang sa paningin ng Panginoon kundi maging sa paningin ng ating kapuwa at mahal sa buhay, kapag sobra-sobra na.
Sa sobrang pagkalulong sa pag-iinom, napapabayaan na natin ang ating sarili, trabaho at pamilya. Kung minsan, pinagmumulan pa ng away ang labis na kalasingan.
Subalit hindi lang sa labis na pagkalulong sa alak ang nagiging dahilan ng mga problema. Maging sa iba pang bisyo na magdudulot ng kaligayan sa sarili, pero nagpapalayo naman sa ating relasyon sa Panginoon.
Kaya pinapaalalahanan tayo ng Pagbasa (Lucas 21:34) na dapat tayong mag-ingat upang huwag tayong malulong sa labis na pagsasaya, paglalasing at huwag masyadong mag-alala sa ating buhay.
Minsan, inaakala natin na ang buhay dito sa ibabaw ng mundo ay nababalot ng kasiyahan. Kaya ang ginagawa ng ilan ay nagpapakalunod sa kaligayahan kahit sa paraang bawal at nakasisira ng kanilang kaluluwa. Mga gawaing nagpapakasaya pero hindi kaaya-aya sa paningin ng Diyos.
Ang ating pagtingin kasi natin sa buhay na ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Diyos ay dapat puro saya lamang. Nakaligtaan natin na ang buhay natin sa ibabaw ng mundo ay may katapusan, o hangganan.
Marami namang paraan na magiging masaya ang ating pakiramdam pero hindi tayo makagagawa ng kasalanan. Kung may labis na biyayang nakakamit, sa halip na ubusin ito sa masasamang bisyo, maaaring gamitin para makatulong sa ibang nangangailangan lalo na ngayon may pandemic.
Ang ngiti sa labi ng mga hikahos na matutulungan at may kalakip na salitang "salamat," ay magdudulot sa'yo ng labis na kasiyahan-- higit pa kasiyahang ibibigay ng alcohol na taglay ng pinakamahal na alak.
Malinaw ang mensahe ng Ebanghelyo, na baka tayo abutan ng Araw na iyon na tulad ng isang bitag. Dahil darating ang Araw na iyon sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupa. (Lk. 21:34-35)
Hindi lamang ang kasalukuyan ang dapat isipin, alalahanin ang kinabukasan ng ating mga kaluluwa sakaling dumating ang Araw na tinutukoy ng Pagbasa.
Huwag mabahala nang labis sa ating buhay dahil hindi tayo pababayaan ng Panginoon kung magsisikap lamang at sasamahan ng pananampalataya.
Itinuturo sa atin ngayon ng Pagbasa na huwag natin masyadong gugugulin ang ating oras at panahon sa pagpapakasaya sa pamamagitan ng mga bagay na makasalanan at hindi kalugod-lugod sa Panginoon.
Magpakasaya tayo sa piling ng ating pamilya, pagtulong sa kapwa, at payabungin na katulad ng isang halaman ang ating relasyon sa Panginoong Diyos, bilang paghahanda sa pagdating ng takdang Araw.
Manalangin Tayo: Panginoon naming Diyos, tulungan Niyo po kami na huwag masyadong mag-alala sa buhay na ito. At sa halip ay maging matatag ang aming pananampalataya Sa'yo para kami ay maging handa sa pagdating ng takdang Araw. AMEN.
--FRJ, GMA News