Matitikman na rin sa Maynila ang matagal nang pinagtatalunan umano ng mga tao na Pansit Batil Patung ng Tuguegarao at Pansit Cabagan ng Isabela. Anong pansit nga ba ang mas masarap?
Sa "Pera Paraan," ipinakita ang parehong pagluluto ng Pansit Batil Patung at Pansit Cabagan.
Ang batil, na nangangahulugang "binating itlog," ang sabaw na inihahain kapares ng pansit samantalang ang "patung" naman ang poached egg na ipinapatong sa ibabaw ng pansit.
Pagkahalo ng mga rekado, kasama ang giniling ng baka, toyo at miki galing Tuguegarao at tubig, tatanggalan ito ng sabaw dahil gagawin itong batil.
Bukod sa poached egg, maaari ring lagyan ng toppings ang Pansit Batil Patung ng chorizo, karahay o bagnet, at chicharong bulaklak.
Ang pansit Cabagan naman, hindi inaalis ang sabaw, at nilalapagan ng toppings na gulay, lumpiang shanghai, bola-bola, itlog pugo at bagnet.
Ano nga ba sa Pansit Batil Patung at Pansit Cabagan ang mas masarap? Alamin sa video. -Jamil Santos/NB, GMA News