Marami ang namangha nang maipakita sa unang pagkakataon ang loob ng isang sinkhole sa Yemen na kung tawagin ay "Well of Hell." Sa Pilipinas, isang sinkhole din ang pinasok ng mga Pinoy cave explorer at makikita sa unang pagkakataon ang nasa ilalim nito.
BASAHIN: Alamin ang natuklasan ng explorers sa loob ng 'Well of Hell' ng Yemen
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing makikita ang naturang malaking sinkhole sa kabundukan ng Hinabangan, Samar.
"Bito" ang tawag dito ng mga residente, na patungkol sa mga "kuweba" na pababa ang butas.
Ayon kay Joni, isang cave guide sa Samar, matagal nang may nagsasabi sa kaniya na pasukin ang naturang sinkhole upang malaman kung ano ang nasa loob nito.
Hanggang sa isagawa na nila ng mga kapuwa cave guide at explorer ang pagpunta roon.
Inabot sila ng isa't kalahating oras sa paglalakbay mula sa Barangay Canano bago marating ang sinkhole na aabot sa 150 meters ang lapad ng butas, at 180 meters ang lalim, na katumbas ng 55 palapag na gusali.
Nang makababa na, tumambad ang kagandaan sa loob ng sinkhole, pero mayroon pa palang isang malaking kuweba na nasa loob nito.
Ano naman kaya ang nasa loob ng kuweba? Panoorin ang episode na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News