Nito lang nakaraang Agosto, marami ang naantig ang damdamin sa kalunos-lunos na hitsura ng anim na taong gulang na si Ranelyn na mistulang "buto’t balat." Pero pagkaraan ng tatlong buwan na gamutan at pag-aalaga, nagkalaman at bumalik na ang kaniyang sigla, at natupad na ang kaniyang hiling na maisuot muli ang paborito niyang bestida.
Nang unang maitampok sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" si Ranelyn, ng Bantayan Island, Cebu, nasa pitong kilo lang ang kaniyang timbang na malayong-malayo para sa kaniyang edad.
Sa kaniyang kapayatan, kita na ang kaniyang mga tadyang, laging umiiyak, halos hindi na makatayo, at hirap na ring kumain.
Ayon sa ina ng bata na si Jerelyn, nagsimulang bumagsak ang timbang ni Ranelyn noong apat na taong gulang ang kaniyang anak.
Paborito raw suotin ni Ranelyn noon ang bestidang gawa ng kanila lola. Pero mula nang maging buto't balat siya, hindi na niya ito nagagamit.
Hindi na rin siya nakakapaglaro sa labas ng kanilang bahay at kailangan nang alalayan para makatayo.
“‘Pag tumitingin ako sa aking anak naninikip talaga aking dibdib. Nakatulala ako rito palagi,” sabi ni Jerlyn, na mula sa mahirap na pamilya.
Ang asawa niyang si Raul, nawalan pa ng trabaho nang magkaroon ng pandemya kaya hindi nila maipatingin sa duktor ang anak.
Ayon kay Dr. Parolita Letlet Misyon, ng National Nutrition Council, tumindi ang gutom sa bansa dahil sa pandemic.
“Talagang nakulangan ng pagkain. Madami rin na walang trabaho, walang pera pambili,” saad niya.
Sa habag ni Peter Mark Velganilao kay Ranelyn, nagpadala siya ng mensahe sa KMJS para maagapan ang kalagayan ng bata bago pa mahuli ang lahat.
Nakipagtulungan ang KMJS team sa municipal social welfare development office, naipasuri sa duktor si Ranelyn. At kinalaunan ay inilipat din siya sa mas malaking ospital sa Lapu-Lapu City, na anim na oras ang layo sa Bantayan Island para mas lalo siyang maalagaan.
Natuklasan ng mga duktor na bukod sa severe malnutrition, mayroon din siya intestinal parasitism o bulate, at mababa na ang kaniyang oxygen level.
Hindi man naging madali, unti-unti ay nakabawi ng lakas si Ranelyn at nadagdagan na ang kaniyang timbang. Nagkaroon na rin siya ng taba at muscles.
Mula sa pagiging laging matamlay, nagsimula na rin siyang sumigla, nakatatayo na rin at nakalalakad mag-isa. Hanggang sa dumating na ang araw na puwede na siyang umuwi ng kanilang bahay at doon na ipagpatuloy ang kaniyang pagbawi ng kaniyang katawan.
Tunghayan ang nakatutuwang kuwento ng pagtutulungan na naging daan para masagip ang buhay ni Ranelyn, at ang katuparan ng kaniyang munting hiling na muling maisuot ang kaniyang paboritong bestida. Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News