Ano ang mangyayari sa buhay natin kung itinakwil at tinanggihan natin ang Diyos? (Lucas 10:13-16)
ANG pinakamasarap sa lahat ng bagay ay yung libre. Biruin mong kakain ka at mabubusog pero wala kang gagastusin kahit singko.
Kapag ganito, tiyak na mabilis pa tayo sa alas-kuwatro kapag may nag-aya sa atin ng libreng kainan. Subalit papaano kung si Hesus ang nagyayaya sa atin? Ngunit hindi ng libreng pakain kundi ang libreng pagbabalik sa Panginoong Diyos.
Ibig sabihin, niyayaya tayo ng ating Panginoong Hesus na magbagong-buhay. Katulad ng Kaniyang imbitasyon o paanyaya sa mga taga-Corazin at sa mga taga-Bethsaida na mababasa natin sa Mabuting Balita (Lucas 10:13-16).
Matutunghayan natin sa Pagbasa na winika ni Hesus sa mga taga-Corazin at sa mga taga-Bethsaida na sila ay kahabag-habag sapagkat tinanggihan nila ang inaalok na biyaya ng Diyos.
Kaya tahasang sinabi sa kanila ni Kristo na, "Kawawa sila dahil kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa kanila, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi". (Lk. 10:13)
Ngunit tinanggihan at itinakwil nila ang biyaya at mensahe ng Panginoong Diyos para sa kanila. Kaya anong grasya ang matatanggap nila kung tinatanggihan nila ang inaalok ng Diyos na magbalik-loob sa Panginoon at pagbabagong-buhay?
Hangad ng Diyos na makamtan ng mga taga-Corazin at mga taga-Bethsaida ang buhay na walang hanggan. Mayroon pa bang ibang maiaalok ang Diyos sa atin maliban sa pagbabalik-loob sa Kaniya? Hindi kasi nais ng Diyos na tayo ay mawalay sa Kaniya at mapahamak ang ating mga kaluluwa.
Maaaring kaya tinatanggihan ng dalawang bayan na ito ang inaalok ng Diyos dahil mas gusto nilang gawin ang mga nais nila sa buhay nang walang humahadlang kahit ba ikapapahamak ito ng kanilang mga kaluluwa.
Mas nangingibabaw sa kanila ang luho ng buhay at nakakaligtaan naman ang totoong kahulugan ng buhay; buhay na hindi lamang para sa ating mga sarili, kundi para din sa ating Panginoong Diyos.
Ano na lamang ang mangyayari sa kanilang buhay matapos nilang itakwil ang Panginoong Diyos sa kanilang buhay?
Inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo na huwag nating sayangin ang pagkakataong inaalok sa atin ng Diyos na magbalik-loob sa Kaniya katulad ng inaalok Niya sa mga taga-Corazin at sa mga taga-Bethsaida.
Manalangin Tayo: Panginoon, ipinapanalangin po namin ang mga mga kapatid namin na naliligaw ng landas. Nawa'y matagpuan nila ang liwanag at tanggapin nila ang inaalok Mong pagbabagong buhay para sa kanila. AMEN.
--FRJ, GMA News