Kahanga-hanga ang isang public school teacher sa Lanao del Norte na nakalikom ng halos ng P150,000 upang ibili ng mga laptop na kailangan sa online classes at ibinibigay sa mga estudyanteng mahihirap.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” isa sa mga naging estudyante ni titser Melanie si Chrisken, na kumukuha na ngayon ng kursong metallurgical engineering.
Noon, naitatawid pa ni Chrisken ang kaniyang pag-aaral sa tulong "piso net." Pero ngayon, kailangan na niyang gumamit ng laptop dahil sa dami ng kailangan niyang gawin.
Cook sa restaurant ang ina ni Chrisken at janitor ang kaniyang ama. Pero dahil sa pandemic, natigil sila sa trabaho.
Nang makarating sa kaalam ni titser Melanie ang sitwasyon ni Chrisken, nag-fundraising siya na tinawag niyang “Laptop Para sa Pangarap.”
“Mga dating honor student, sinasabi nila ’yung mga kaklase nila na naka-laptop, samantalang sila, dahil hindi nga nila afford. Papaano po sila makikipagsabayan? Para sa akin, dapat ang edukasyon libre, dapat lahat pantay-pantay. Pero nakita ko parang hindi po fair ang laban,” sabi ni maam Melanie.
Kaagad na tumugon at nagbigay ng donasyon sa panawagan ni maam Melanie ang mga dati niya ring estudyante na tagumpay na sa buhay.
Nang nalikom na pera, ibinili niya ng laptop si Chrisken. May mga nangako rin na tutulong sa kaniyang mobile phone load.
Nakalikom din si maam Melanie ng iba pang pondo na ibinili niya ng apat na laptop at ibinigay sa mga mahihirap at matalinong estudyante.
Kabilang sa kaniyang binigyan ang isang anak ng karpintero, isang working student, isang anak ng single mother, at isang self-supporting student.
Pero bago pa pala nito, mayroon nang proyekto si titser Melanie na “Adopt A Student,” kung saan hinahanapan niya ng sponsor ang estudyante para makapagpatuloy sa pag-aaaral.
Sa naturang proyekto, mahigit 50 mag-aaral ang kaniyang natulungan.
Dahil Teacher’s Month, bibigyan ng sorpresa si maam Melanie ng mga estudyante na kaniyang natulungan.
Ang akala ni maam Melanie, isang pulong ng mga guro ang dadaluhan niya sa Zoom meeting. Wala siyang kamalay-malay sa sorpresang inilaan sa kaniya.
Tunghayan ang mga mensahe nila sa katangi-tangi nilang guro. Panoorin.
--FRJ, GMA News