Dating binibigyan ng pagkain ng ilang residente ang isang unggoy na nakita nilang paggala-gala sa kanilang subdibisyon sa Lipa, Batangas. Pero kinalaunan, naging sakit ng ulo ang hayop na nambabasag ng salamin ng sasakyan at naninira ng gamit sa labas ng bahay.
Sa programang "Born To Be Wild," pinuntahan ni Doc Nielsen Donato, ang naturang subdibisyon na may kalapit na mga kakahuyan o mga puno.
Ayon sa isang residenteng nakausap ni Doc Nielsen, napansin nila na nagsimulang maging agresibo at naninira na ng mga gamit ang unggoy nang magkaroon ng pandemic.
Ito rin kasi ang panahon na tumigil na ang mga tao sa pagbibigay ng pagkain sa unggoy, na isang lalaki.
Paniwala ni Doc Nielsen, nasanay ang unggoy na magpunta sa sibdibisyon dahil sa natatanggap niyang pagkain. Pero nang matigil ang pagbibigay sa kaniya ng pagkain, doon na ito nagalit.
Ilang beses na nakuhanan ng cellphone camera at CCTV ang unggoy na gumagala sa subdibisyon at bumabalik din sa kalapit na kakahuyan.
Nang makaharap ni Doc Nielsen ang unggoy, napansin niya ang bakas ng pagkakatali sa baywang nito.
Paniwala ni Doc Nielsen, dating alaga ang unggoy na posibleng pinabayaan na lang.
Natuklasan din ni Doc Nielsen na nakabuo na ng pamilya ang unggoy sa kakahuyan.
Pero dahil tanging siya lang ang nangangahas na pumunta sa village na may mga tao at nakakaperwisyo, siya lang ang tatangkain ni Doc Nielsen na hulihin.
Magtagumpay kaya si Doc Nielsen? Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News