Kahit may oxygen support, tuloy sa workout ang isang babae para mabawasan ang kaniyang timbang na umabot sa 500 pounds.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ibinahagi ng 39- anyos na si Aina Luna, ang kaniyang fitness journey na nagsimula noong nakaraang taon.
Sa video, makikita si Aina na nagbubuhat ng kettlebell kahit pa naghahabol na siya ng hininga at napapatukod na siya sa kama sa hirap.
Kuwento niya, para makabangon siya noon sa higaan ay kailangan muna siyang itulak paupo at saka siya hihilahin patayo.
Kapag sasakay naman sa SUV, kailangan na may dalawang tao na hahatak sa kaniya sa loob ng sasakyan, at may tatlong tao naman sa labas na tutulak sa kaniya papasok.
Payat naman daw siya noon at dating varsity player ng swimming team.
Pero dumating sa kaniyang buhay ang trahediya nang pumanaw ang kaniyang ina, at iniwan pa ng kaniyang ama.
Nagkaroon pa siya ng selosong nobyo na pinataba siya para walang magkagusto sa kaniya. Ngunit nauwi rin sa hiwalayan ang kanilang pagsasama.
Sa mga nangyari sa kaniyang buhay, ibinuhos niya ang panahon sa pagkain.
Hanggang sa nagpatingin na siya sa duktor at natuklasan na mayroon siyang polycystic ovarian syndrome.
Sa paglaki ng kaniyang katawan, nagkaroon na rin siya iba pang sakit tulad ng lymphedema at obstructive sleep apnea, na nagresulta sa heart at respiratory failure.
Sa dami ng sakit na nararamdaman sa katawan, natauhan si Aina at nagpasyang kailangan niyang magbawas ng timbang.
Ang una niyang ginawa, binawasan niya ang taba sa katawan, at nagpa-full abdominoplasty at tummy tuck siya.
Sunod ay kumonsulta siya sa occupational therapist.
Makalipas ng halos dalawang taon, nabawasan na ang timbang ni Aina ng 100 pounds. At kahit malayo pa ang laban na kailangan niyang tahakin, hindi siya aatras.
Tunghayan ang kaniyang kuwento sa video at paghugutan ng inspirasyon. Panoorin.
--FRJ, GMA News