Maliit man sa paningin, malaki naman ang pinsalang maaari nilang idulot sa bahay--ang mga anay.  Paano nga ba masosolusyunan ang kanilang paninira sa mga tahanan?

Sa "Born To Be Wild," sinabing ang mga Philippine milk termite ang uri ng mga anay na gumagawa ng kanilang tirahan sa loob ng mga bahay.

Mga patay na puno ang kadalasang pagkain ng mga anay na ito, pero mga kahoy na sa bahay ang kanilang pupuntiryahin kapag napalapit sila sa mga kabahayan.

Direkta rin silang kumakain ng kahoy, at pailalim kung gumawa ng bahay.

"'Yung iba kasi ang akala, kapag nakakita sa cabinet, 'yung cabinet lang ang iti-treat mo. Pero hindi 'yun. Pagka control kasi, ang pinakamagandang gawin is buong bahay iti-treat mo," sabi ng pest controller na si Juan de Guia.

“Lahat ng possible entry ng anay, kailangan malagyan mo ng chemical para walang umatake sa iba. ‘Pagka ginawa mo, isang part lang, walang chemical sa ibang [area], do’n lilipat ['yung mga anay],” paliwanag pa ng eksperto.

Dahil sa pamemeste ng mga anay sa kanilang bahay, pinag-aralang maigi ng nanay na si Kristine Sico ang mga anay.

Ayon kay Sico, gusto ng mga anay ang madilim at mabasa-basang lugar kung saan may lumalambot na kahoy. Kaya siguraduhing tuyo ang lababo at walang tumutulong tubig.

Pero paalala ni Dr. Ferdz Recio, host ng "Born To Be Wild," ginagawa lamang ng mga anay ang kanilang trabaho bilang bahagi ng decomposing structures ng kalikasan.

"Sa patuloy na pagkaubos ng mga bundok, hindi naman nila ma-differentiate kung alin 'yung actual na puno at actual na bahay natin. Practically they are just doing their jobs to survive and to propagate their population," sabi ni Dr. Ferdz. --FRJ, GMA News