Ang pamamahagi ng ating mga biyaya sa mga mahihirap at lubos na nangangailangan ang pinakamahirap na antas ng ating pananalig sa Diyos (Mateo 19:16-22).
Bilang mga Kristiyano, mayroon tayong obligasyon at responsibilidad sa Panginoong Diyos na sundin ang Kaniyang mga utos nang walang sablay.
Ngunit tandaan lamang natin na hindi lahat ng sumusunod sa utos ng Diyos ay tiyak nang makapapasok sa Kaharian ng Panginoon.
Sa Mabuting Balita (Mateo 19:16-22), matutunghayan natin na lumapit ang isang lalaki kay Hesus at nagtanong kung anong kabutihan ang dapat niyang gawin upang makamtan ang buhay na walang hanggan. (Mt. 19:16).
Sumagot si Hesus at sinabihan ang lalaki na dapat niyang sundin ang mga Kautusan ng Diyos.
Inisa-isa ni Kristo sa lalaki ang mga Kautusan ng Diyos na kailangan niyang sundin. Kabilang dito ang pagbabawal na mangalunya, pumatay at paggalang sa mga magulang. (Mt. 19:18-19)
Sinabi naman ng binata na sinusunod na niya ang mga naturang utos. Ngunit winika ng Panginoon sa kaniya na kung nais niyang maging ganap ay kailangan niyang ipagbili ang kaniyang mga ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap ang pinagbilihan. (Mt. 19:21).
Nang marinig ng lalaki ang sinabi ni Hesus, malungkot siya at umalis. Batid ng lalaki na mahirap para sa kaniya na gawin iyon dahil mawawala ang kaniyang yaman. (Mt. 19:22).
Ang ating pananampalatayang Kristiyano ay may dalawang antas na kailangang pagdaanan upang matamo natin ang Kaharian ng Diyos gaya ng binabanggit ni Hesus sa Ebanghelyo.
Ang una ay ang ating pananampalatayang Kristiyano na pagsunod sa lahat ng Kaniyang utos. Kaya bata pa lamang tayo ay itinuturo na sa mga paaralan ang Sampung Utos ng Diyos. (Exodo 20:2-17).
Ito ang pundasyon ng ating pananampalatayang Kristiyano upang makilala nating mabuti ang Diyos. Kailangan nating pag-aralan at sundin ang Kaniyang mga utos.
Ang susunod na antas ng ating pananampalatayang Kristiyano ay ang pagsasakripisyo. Kabilang na rito ang pamamahagi ng ating mga biyaya mula sa Diyos para ibigay sa mga taong naghihikahos.
Sa pangalawang antas ay maipakikita natin sa gawa at hindi lamang sa salita na makatotohanan ang ating pagsunod sa Diyos. Naipadarama rin natin ang pagmamahal at malasakit sa kapuwa. Dahil sa pamamagitan ng ating pagtulong ay makikita ng mga taong natutulungan natin ang Panginoon.
Ang mga taong hirap na magbitiw ng kanilang yaman para ipangtulong sa mga nangangailangan ay sakim at madamot. Hindi nila kayang isakripisyo ang kanilang kayamanan kapalit ng Kaharian ng Diyos.
Itinuturo sa atin ng Pagbasa na upang maging ganap ang ating pananampalataya at matamo natin ang Kaharian ng Langit, kailangan natin maipasa ang una at pangalawang antas ng totoong pananalig natin sa Diyos.
Manalangin Tayo: Panginoon, turuan Mo po kaming huwag maging madamot. Sa halip ay matutunan nawa namin ang magbigay para sa mga nangangailangan para matamo namin ang iyong Kaharian sa Langit. AMEN.
--FRJ, GMA News