Mula sa pagiging maganda at makinis, lumobo ang mukha ng isang makeup artist matapos niyang kalikutin ang kaniyang taghiyawat. Ang pimple, may mga pagkakataong nag-"leak" pa habang nasa interview ang artist.
Sa video ng Public Affairs Exclusives, makikita ang pamamaga ng kanang bahagi ng mukha ni Danna Guiamel pati na rin ng kaniyang labi matapos niyang kalikutin ang kaniyang taghiyawat.
"Na-infect po siya dahil sa maruming kamay ko kasi noong napisa po siya, hinahawak-hawakan ko siya. Meron din akong ni-try na gawin sa kaniya, 'yun 'yung ni-try ko siyang palabasin pa 'yung laman sa loob, which is wala naman palang laman, dugo na 'yung lumabas," sabi ni Danna sa interview sa kaniya ng programang "Brigada."
At habang kinakapanayam si Danna ng "Brigada," may mga pagkakataon na panamantala itong itinigil dahil nagli-leak ang kaniyang taghiyawat, at kumuha siya ng cotton para punasan ito.
Dahil dito, nawala ang kumpiyansa ni Danna sa sarili, at nakaapekto rin ang paglobo ng kaniyang mukha sa kaniyang pagkain at pag-nguya.
Paliwanag ng dermatologist na si Dr. Andrea Mendoza, nasa danger zone ng mukha ang taghiyawat na piniga ni Dana. Kaya naman kahit simpleng pakikialam dito ay maaaring magdulot ng mas seryosong komplikasyon.
"Dahil nga piniga siya, namaga. 'Yung infection nu'n, ibig sabihin pumasok paloob, palalim pa lalo... Meron kasing tatlong layers ang balat. Pumunta na siya roon sa pinakataba, malalim na part 'yun at mas marami pa lalo ang ugat," sabi ni Dr. Mendoza.
"So any time na umabot doon ang impeksiyon, puwedeng kumalat na siya sa buong pisngi ang puwedeng mag-extend na siya sa mata and also puwedeng umakyat sa utak," dagdag ng dermatologist.
Nagpayo ang mga eksperto na huwag bumigay sa pagkalikot sa taghiyawat kahit may panandaliang ginhawang dulot ito.--FRJ, GMA News