Itinuring ng mga residente na biyaya ang pagdagsa ng napakaraming alamang sa isang barangay sa Casiguran, Aurora. Sa sobrang dami, ang baybayin naging kulay rosas.

Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita na kaniya-kaniyang dakot at salok ang mga residente sa Barangay Cozo ng mga alamang o balaw.

Ang iba, nakaipon ng timba-timba at sako-sakong alamang na ginagawang bagoong o okoy.

Gayunman, may ilang residente ang naniniwala na ang pagdagsa ng alamang sa kanilang lugar ay pagbabayad ng karagatan sa dalawang buhay na kinuha nito.

Dalawang araw daw kasi bago dumagsa ang mga alamang, dalawang bata ang nasawi nang malunod sa dagat habang naliligo.

"Sobrang sakit po. Hindi ko po ine-expect na mangyayari sa kanila kasi iniwanan ko lang naman po siya sa bahay, buhay pa, malakas, walang sakit. Bago pagdating ko ganoon, wala na," sabi ni Grace Ruiz, ina ng isa sa mga nasawi.

Pero may kinalaman nga ba ang nangyaring trahediya sa pagdagsa ng alamang sa kanilang lugar?  At ano ang isa pang mas malaking biyaya na maaaring makamit ng mga residente sa paraan ng turismo na maaaring maitulong sa kanila ng mga alamang?

Panoorin ang buong kuwento sa pambihirang pangyayari sa video na ito ng "KMJS."

--FRJ, GMA News