Dahil sa malaki niyang dila, nahihirapan nang kumain at naapektuhan din ang paghinga ng apat na buwang gulang na si Baby Jessa. Pero bakit nga ba lumaki ang kaniyang dila?
Sa panayam ni Mariz Umali para sa "Brigada," makikita ang pagiging masayahin ni Baby Jessa na ngumingiti at tumatawa sa kabila ng kaniyang kondisyon.
Gayunman, nag-aalala ang kaniyang mga magulang na si Rogelio at Rosenda, dahil hindi nila mapakain nang maayos ang anak dahil sa humaharang ang malaki niyang dila.
Napapansin din ni Rogelio na may mga pagkakataon na nahihirapan ding huminga ang anak.
Palaisipan sa mag-asawa kung bakit lumaki ang dila ni Baby Jessa.
Pero ang isang iniisip nila ay baka may kinalaman ang paglilihi umano noon ni Rosenda sa hilig niya sa dila ng baboy.
"Sana sa akin na lang [ang sakit]," sabi ng emosyonal na si Rogelio. "Kasi mas mahirap sa bata hindi pa natin nakakausap. Hindi niya masabi ang nararamdaman."
Kapag hindi nasolusyonan kaagad ang kondisyon ng paglaki ng dila ng bata, posibleng mamamatay daw si Baby Jessa.
Mula nang ipanganak, hindi pa muling naipapasuri si Baby Jessa dahil na rin sa kahirapan ng buhay ng pamilya.
Sa tulong ng "Brigada," ipinasuri sa espesyalista ang sanggol sa pamamagitan ng video call.
Ayon sa duktor, walang kinalaman sa paglilihi ang kalagayan ni Baby Jessa--na tinatawag na Macroglossia--na maaari umanong namana o sa lahi.
May pag-asa pa kayang maayos ang kalagayan ni Baby Jessa at magkano ang kakailangang pera para maisagawa ang operasyon. Tunghayan ang buong report sa video na ito ng Brigada.
--FRJ, GMA News