Mura, masarap, at masustansiya ang talong na bahagi ng pagkaing Pinoy. Pero marami ang napapatanong tungkol sa talong: prutas ba siya o gulay? At bakit "eggplant" ang tawag sa kaniya sa Ingles gayung pahaba ang hugis na kadalasang nakikita sa bansa?
Sa programang "Good News," sinabing pinaniniwalaang nanggaling ang mga talong mula sa India noong 1700s.
Ang European version nito na maliit at pabilog na may pagkakahawig sa itlog ng manok ang siya namang tinawag sa Ingles na "eggplant."
Salungat sa paniniwala ng ilan, ang talong ay isang uri ng prutas dahil nagmula ito sa obaryo ng flowering plant.
Mayaman sa potassium ang talong na pangontra sa sakit sa puso, at fiber na mainam sa digestion.
Mayroon din itong polyphenol na isang uri ng anti-oxidant na panlaban sa cancer.
Sinasabi rin na good for the brain ang talong dahil ang balat nito ay may anthocyanin na pampatalas ng memorya at mainam sa blood flow.
Mainam din ito sa mga nagbabawas ng timbang dahil mababa ang calorie content ng talong.
Alamin sa video ng "Good News" ang mga katakam-takam na recipes na puwedeng magawa sa talong, tulad ng talong brownies at talong pizza. Panoorin.
--FRJ, GMA News