Hindi inakala ng isang ginang na ang lalaking kaniyang pinakasalan ay mayroon na palang unang pinakasalan. Anong kaso nga ba ang puwedeng isampa sa lalaki at mayroon din bang pananagutan kriminal ang pangalawang babae na pinakasalan?
Sa online public service program na "Sumbungan ng Bayan," inihayag ng babaeng netizen na hindi niya alam na dati na palang kasal ang lalaki na kaniyang pinakasalan.
Kaya naman humingi ng payo ang babae kung ano ang legal na hakbang na puwede niyang gawin laban sa kaniyang mister.
Ayon kay Atty. Kristjan Vicente Gargantie, kung nais ng babae na ipakulong ang kaniyang mister, maaari siyang magsampa ng kasong bigamy.
Nilinaw din ng abogado na walang pananagutang kriminal ang babae na pangalawang pinakasalan dahil hindi niya alam na kasal na ang lalaki sa una.
Ang lalaki umano ang may pananagutan sa batas na ipaalam kung dati na siyang ikinasal at hindi pa ito napapawang-bisa.
Maaaring ding dumulog sa korte ang babae na pangalawang pinakasalan upang mapawalang-bisa ang kanilang kasal.
Tunghayan ang buong talakayan sa video ng "Sumbungan ng Bayan."
--FRJ, GMA News