Ibigay din natin ang ating pag-ibig sa ating kapuwa, tulad ng pag-ibig ng Diyos para sa atin (Juan 15:12-17).

Mahal na mahal ko ang aking yumaong ina na si Lydia Lontok Rodriguez dahil buong buhay niya ay inilaan niya para sa amin.

Sukdulang mawalan siya ng panahon para sa kaniyang sarili at magsakripisyo alang-alang sa kaniyang mga anak at sa kaniyang kabiyak.

Ganiyan talaga ang pag-ibig, ibibigay mo ang lahat pati na ang iyong buhay kung kinakailangan para sa mga taong iyong pinagmamalasakitan.

Sa ating Mabuting Balita (Juan 15:12-17) mababasa natin na winika ng ating Panginoong HesuKristo sa Kaniyang mga Disipulo na: "Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal Ko sa inyo." (Juan 15:12)

Bago bumalik si Hesus sa piling ng ating Amang nasa Langit, tinagubilinan Niya tayo na ikalat natin ang kapayapaan sa bawat isa.

Ngunit bukod sa kapayapaan, inihabilin din ni Kristo sa atin ang magmahalan ang bawat isa tulad ng pag-ibig Niya sa atin.

Sa kabila ng ating paulit-ulit na pagkakasala at kahinaan, patuloy tayong iniibig ng ating Panginoong Hesus.

Sino nga ba ang makahihigit pa sa pag-ibig ng Diyos sa atin? Lalo na nang ipahayag ni Hesus na: "Ang pinakadakilang pag-ibig na maaaring taglayin ng sinoman para sa kaniyang mga kaibigan ay ang ialay ang kaniyang buhay para sa kanila." (Juan 15:13)

Kaya ba nating higitan ang pag-ibig ni Kristo? Ang pag-aalay ng buhay para sa taong minamahal ay hindi naman literal na kailangan tayong mamatay para sa ibang tao o sa kaniyang kapuwa.

Ang nais ipakahulugan dito ng ating Panginoong HesuKristo ay ang paglalaan ng panahon at pagsasakripisyo para sa kapuwa--lalo na sa ating pamilya at mga mahal sa buhay.

Nasaksihan ng Kaniyang mga Alagad at mga taong nakapalibot sa Kaniya kung papaanong ginugol ni Hesus ang Kaniyang buong panahon at oras para sa mga taong pinagaling Niya, tinuruan ng Salita ng Diyos, at pinakain ang mga nagugutom.

Itinuturo sa atin ng Pagbasa ang ikalat natin ang pag-ibig sa ating kapuwa at maglalaan ng oras o panahon para sa mga taong nangangailangan ng tulong lalo na sa panahon ngayon.

Isang halimbawa ang mga nagkakaloob ng mga libreng pagkain na tinatawag na community pantries. Pero bukod sa ipinamimigay nilang tulong, hindi matutumbasan ng salapi ang oras at panahon na inilalaan ng mga taong nasa likod nito para alalayan ang mga nangangailangan.

Ipinapakita nila ang kanilang pag-ibig sa kanilang kapuwa tulad ng inihabilin ng ating Panginoong Hesus; Na sa huling bahagi ng Ebanghelyo, ay muli Niyang inulit ang pagmamahalan natin sa isa't isa. (Juan 15:17).

Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, maraming salamat po sa pag-ibig Mo sa kabila ng aming mga kahinaan at kasalanan. Nawa'y magawa din namin mahalin ang aming kapuwa gaya ng Iyong pag-ibig sa amin. AMEN.

--FRJ, GMA News