Kahit sinabihan ng lalaki na tumigil na, patuloy pa rin daw sa pagpunta sa bahay ang isang babaeng naging karelasyon nito. Pero ang babae, mayroon din palang asawa at pinagbabantaan ang buhay ng lalaki.
Ang naturang problema ay idinulog sa "Sumbungan ng Bayan" ng isang hipag dahil ayaw umanong tantanan ng babae ang kaniyang bayaw na pamilyado rin.
Pero punta pa rin daw ng punta ang babae sa bahay ng kaniyang bayaw kahit sinasabihan na ng kanilang pamilya na tumigil na.
Nais malaman ng hipag kung ano ang kasong puwedeng isampa sa babae at maging sa asawa nito na nagbabantang papatayin ang kaniyang bayaw.
Ayon kay Atty. Zen Ferrer ng Ideal Inc., kasong grave threat ang puwedeng isampa sa mister ng babae dahil sa pagbabanta nito sa buhay ng bayan.
Samantalang unjust vexation naman ang kasong puwedeng isampa sa babae dahil sa pagpunta nito sa kanilang bahay at nagdudulot na ng pagkaligalig sa kanilang pamilya.
At kung magpipilit ang babae na pumasok sa kanilang pamamahay, maaari pang sampahan ng kasong trespassing ang babae.
Ipinayo naman ni Atty. Irene Pua ng Ideal Inc., na subukan muna nilang idulog sa barangay ang problema baka sakaling makumbinsi doon pa lang ang babae na tigilan na ang kaniyang bayaw.
Ngunit kung hindi malulutas sa barangay ang problema, pormal na nilang ireklamo at sampahan ng kaso ang babae at asawa nito.
Panoorin ang buong talakayan at iba pang problemang idulot sa programa.
--FRJ, GMA News