Laking gulat ng may-ari ng isang fishpond sa Bislig City, Surigao del Sur nang matuklasan niya na isa palang malaking buwaya ang nadidinig niyang kaluskos sa kaniyang palaisdaan.
Sa isang episode ng "Born To Be Wild," sinabi ng may-ari ng palaisdaan na si Alfredo Benosa III, na dakong 7:00 pm nang makarinig siya ng kaluskos sa fishpond.
Inakala raw niyang mga ibon lang ang lumilikha ng ingay kaya nagtungo siya sa palaisdaan dala ang isang flashlight. Pero laking gulat niya nang mailawan ang mata ng buwaya.
"Natamaan ng flashlight yung mata ng buwaya nagtaka kung bakit kuwan...malaki yung mata," sabi ni Alfredo.
Dito na nagpatulong si Alfredo sa ibang kasamahan para hulihin ang buwaya, na may habang 11 talampakan at halos 300 kilo ang bigat.
Dati na raw nababalita na may nakikitang buwaya sa lugar at ilang alagang hayop na ang nawawala tulad ng mga aso at kambing.
Pero ito raw ang unang pagkakataon na may nahuling buwaya sa fishpond.
Sa laki ng buwaya, siyam katao ang nagtulong-tulong para mahuli at mabuhat ito para madala sa isang rescue facility.
Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "Born To Be Wild."
--FRJ, GMA News