Sa magkahiwalay na insidente ng pagkakatuklaw ng magkaibang uri ng ahas na cobra sa Batangas at Pangasinan, parehong nasawi ang mga biktima. Gaano nga ba kabagsik ang kanilang kamandag at gaano kabilis dapat ang maging aksiyon ng biktima para makaligtas sa kamatayan?
Sa ulat ni Jun Veneracion sa "Reporter's Notebook," Nobyembre 2020 nang matuklaw ng King cobra si Maricar habang pababa ng bundok matapos manguha ng gulay.
Dahil sa pangamba sa COVID-19, hindi nagpadala sa ospital si Maricar, at sa halip ay nagpagamot lang sa albularyo.
Pero ilang oras lang, lumalala na ang kaniyang kalagayan at noon lamang siya dinala sa ospital pero huli na.
Ganito rin ang nangyari sa isang lalaki sa Pangasinan na natuklaw naman ng Philippine cobra na kaniyang hinawakan sa pag-aaklang patay na matapos na paluin.
Ayon sa isang herpetologist, lubhang mapanganib at agresibo ang mga cobra kaya dapat layuan kung walang mahahawakang bagay na magagamit na pandepensa sa sarili.
Tunghayan ang video sa itaas at alamin kung gaano nga ba kabagsik ang kamandag ng cobra at ilang minuto o oras bago maramdaman ng biktima ang lason ng ahas?
Kasabay nito, ipinaliwanag din ng mga eksperto ang maling kaugalian sa pagbibigay ng paunang lunas sa nakagat ng ahas tulad ng pagsipsip sa sugat na likha ng tuklaw at ang pagtatali ng mahigpit sa bahagi ng katawan na natuklaw.
Panoorin naman sa video sa ibaba kung papaano ginagawa ang gamot na pangontra sa kamandag ng ahas.
--FRJ, GMA News