Ngayong Marso ang Fire Prevention Month upang ipaalala sa publiko ang pag-iingat sa sunog. Sa programang "Unang Hirit," ipinakita kung ano ang mga gamit na dapat mayroon sa bahay upang maagapan ang paglaki ng sunog.
Ayon sa Bureau of Fire Protection-Pulilan, kabilang sa mga madalas na dahilan ng sunog ay ang problema sa electrical system at human error na patungkol sa mga napapabayaang gamit na may apoy.
Isa sa mga dapat na mayroon sa bahay para maalerto kaagad ang mga tao kung may nasusunog ay ang smoke alarm/detector, na tutunog kapag may nasagap na usok.
Ang mga smoke alarm na de-baterya, dapat umanong suriin buwan-buwan kung gumagana pa ang baterya o kung dapat nang palitan.
At habang hinihintay naman ang pagresponde ng mga bumbero, mayroon naman mga gamit na puwedeng ipanlaban na sa apoy upang hindi na lumaki ang sunog.
Kabilang dito ang fire extinguisher, ang mas maliit na disposable fire extinguisher, ang fire extinguisher ball na inihahagis sa apoy, at ang fire blanket na maaari ding gamitin ng tao kung kailangan lumikas o umalis sa nasusunog na bahay.
Tunghayan sa video na ito ang ginawang pag-demo ng mga bumbero kung papaano ang tamang paggamit sa mga panlaban sa apoy lalo na ang fire extinguisher ball. Panoorin
--FRJ, GMA News