Marami ang natatakot sa "sumpong" ng vertigo dahil sa epekto nito na matinding pagkahilo. Panghabambuhay na sakit na nga ba ito?
Sa programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ni Oncologist doctor Isaac David Ampil II, na ang vertigo ay hindi maituturing na isang sakit kung hindi sintomas ng mga sakit.
BASAHIN: Ano ang vertigo at bakit hindi ito dapat balewalain?
Kung ang sanhi ng vertigo ay mga "acute" na sakit tulad ng impeksiyon o nagkaroon ng sinusitis, mawawala rin ang vertigo kapag nawala na rin ang nabanggit na mga karamdaman, ayon kay Dr. Ampil.
Gayunman, may iba umanong sakit na pangmatagal [gaya ng stroke] na maaaring pagmulan ng vertigo, at nagiging dahilan din para muling umatake ang matinding hilo.
Subalit hindi naman umano maituturing na panghabambuhay ang vertigo dahil mayroong gamot na maaaring ibigay sa pasyente upang mabawasan ang atake nito.
Tunghayan sa video ang buong talakayan sa vertigo at alamin din kung bakit hindi dapat balewalain ang matagal na hindi "pagdumi" na maaaring sintomas ng malubhang sakit. Panoorin.--FRJ, GMA News