Naranasan mo na bang hanapin ang isang bagay dahil hindi mo maalala kung saan mo inilagay tulad ng salamin sa mata na nasa ulo mo lang pala? O kaya naman ay pumunta ka sa isang lugar dahil mayroon kang kukunin pero hindi mo maalalang bigla kung ano?
Sa segment of GMA-7’s morning show na “Unang Hirit,” ibinahagi ni Mareng Winnie Monsod ang ilan sa kaniyang tips para mapanatiling alerto ang isip at makaiwas sa tinatawag na “senior moments” o makakalimutin.
1. Exercise
Lumilitaw umano sa mga pag-aaral na maganda ang physical exercises sa daily routine upang mapanatiling matalas ang isip.
“Exercise helps you with your memory. Empirically that’s a fact,” ayon kay Mareng Winnie.
2. Healthy diet, dark chocolates
Bawasan din ang pagkain ng tinatawag na inflammatory food o matatabang pagkain, at dagdagan ang masusustansiyang pagkain gaya ng mga prutas at gulay.
“You have to eat more fruits and vegetables. Notice, walang meat,” saad ni Mareng Winnie.
Makatutulong din umano sa memorya ng tao ang pagkain ng dark chocolates.
“Puwedeng once a day, twice a week, or three times a week,” saad niya.
3. Paganahin ang isip
Ibinahagi rin ni Mareng Winnie kung papaano niya ini-exercise ang kaniyang isip araw-araw sa pamamagitan ng pagbabasa, pagsagot sa mga puzzle at iba pa.
Gumagawa rin siya ng pagsubok sa sarili tulad ng pagbibigay ng halimbawa ng mga bagay na nagsisimula sa unang letra ng kaniyang pangalan o kaya naman magtutukoy ng mga hayop na apat ang paa o pangalan ng presidente.– FRJ, GMA News