Malalaking bukol sa katawan na singlaki ng mga palad at nagtutubig kung minsan -- ito ang kalbaryo ng isang babae sa Biliran, Eastern Visayas, na may neurofibromatosis. Ano nga ba ang kondisyon na ito at ano ang maaaring gawing lunas?
Dahil sa kalagayan na ito ni Ribby Jimenez, 25-anyos, bumaba ang kompiyansa niya sa sarili at nagiging tampulan siya ng tukso.
Sa programang "Pinoy MD," sinabing isang genetic disorder ang neurofibromatosis sa nervous system na maaaring magdulot ng malalaking bukol o tumor.
Ang naturang kondisyong ay bunga ng mutation sa genes ng isang tao o namana sa mga magulang.
Ayon sa neurologist na si Dr. Alejandro Bimbo Diaz, naapektuhan ng neurofibromatosis ang peripheral nerves ng tao, ang kaniyang mga balat, at posible ring ang skeletal system, mga ugat, at ang kaniyang pagkatuto.
Araw-araw na pinapasan ni Ribby, mula sa bayan ng Naval, ang problemang ito sa kaniyang katawan.
"Mag-second year highschool tumigil ako sa pag-aaral kasi sobrang sakit na iyong pambubully nila sa akin. Hindi ko na kaya 'yung mga salita nilang masasakit sa akin," ayon kay Ribby.
Sa kabila ng kaniyang kalagayan, nagkaroon pa rin ng kasintahan si Ribby at nagkaroon ng dalawang anak.
Nauwi man sa hiwalayan ang kanilang relasyon, muli siyang nakatagpo ng bagong pag-ibig mula sa lalaking tumanggap ng kaniyang kapansanan.
"Sa kabila ng pinagdadaanan ko dati na binu-bully ako, kailangan ko pong lumabas sa trabaho ko alang-alang po sa dalawa kong anak at makatulong ako sa pamilya ko," sabi ni Ribby.
Nangamba naman si Ribby nang makita niya na naglitawan ang mga patsi-patsi sa katawan ng kaniyang mga anak na tila senyales din ng neurofibromatosis.
Panoorin ang buong panayam kay Ribby at alamin ang payo ng isang neurologist kung malulunasan pa ang kaniyang neurofibromatosis.--FRJ, GMA News