Dahil sa timbang niya na 102 kilos o halos 225 pounds, nakaranas ng mga karamdaman at naging tampulan pa ng tukso si Icay Tormon. Ngunit ang babae na overweight noon, 49 kilos na lang ngayong pagpasok ng Bagong Taon.
Sa programang "Brigada," ikinuwento ni Icay na 18 taong gulang siya nang magkaroon ng Polycystic ovary syndrome (PCOS), na isang hormonal disorder kung saan mas mataas ang androgen hormone o kemikal na nagbibigay ng panlalaking katangian sa mga babae.
Karaniwan daw ito sa mga kababaihang edad 20 hanggang 40.
Dahil sa PCOS, nag-stress-eating si Icay. At sa pagdagdag ng kaniyang timbang, marami rin siyang inindang karamdaman tulad ng hirap sa pagtulog, pagiging acidic at pagsakit ng dibdib.
Pero hindi naging madali para kay Icay ang pagbabawas ng timbang dahil tamad siyang mag-exercise at sobrang lakas niyang kumain.
Nag-enroll pa siya sa gym pero hindi rin niya kinaya.
Hanggang sa sinubukan ni Icay ang low-carb diet para sa kaniyang PCOS, na binubuo ng 80% diet at 20% workout.
Kaya mula sa 102 kilos, 49 kilos o 108 pounds na lang si Icay nang mabawasan siya ng 53 kilos.
"Ang importante po, nage-gain 'yung confidence natin tapos nalalayo tayo sa mga sakit," sabi ni Icay.
Panoorin ang kaniyang kuwento at paghugutan ng inspirasyon. --FRJ, GMA News